CHAPTER 7:
“May otso ka ba ngayon?” Ito ang laging itinatanong niya sa suking bartender sa club na iyon kapag gusto nila ni Redentor na kumuha ng babae.
Otso ang tawag niya sa babaing sexy. Alam na ng bartender ang tipo nila, baguhan sa lugar at hindi pa suki ng maraming parukyano doon ang klase ng babaing gusto nilang i-date. Kalimitang kinukuha nila ay mga estudyanteng naghahanap ng sponsor, mahilig kasi si Redentor sa babaing bata pa laluna kung siya ang unang hahawak dito.
“Medyo na-late lang kayo, boss. Nakuha na ng iba.”
“Ganu’n ba.”
Nagpalinga-linga si Marlon, napangiti ito ng mahagip ng mga mata niya si Danica na nuo’y mag-isang umiinom ng beer sa isang sulok. Naka-ponytail ang buhok ng babae, cute at feminine ang crop top niya na kulay pink at nakaitim na mini skirt, lantad ang maganda at kumikinang niyang legs kahit medyo madilim ang lugar na iyon. Agad na inginuso ni Marlon kay Redentor ang babae at magkasunod nila itong nilapitan.
“Hi!” Unang bumati si Marlon. “I’m Marlon,” inilahad nito ang kamay sa dalaga na tinanggap naman ng huli.
“Dannie…”
“Danny? Pangalang lalaki ‘yan, a.”
“D-a-n-n-i-e… Danica na lang.”
“Nag-iisa ka yata?” Nagtawag ito ng waiter.
“Oo, e.” Napalingon si Danica kay Redentor na nakatayo sa gilid niya, mataman siyang pinagmamasdan.
“Kaibigan ko nga pala,” itinuro ni Marlon si Redentor.
“Redentor,…”
Matapos magdaupang-palad ay tumabi si Redentor sa babae, halatang sabik na mapasakaniya ito. Kumunot ang noo ni Danica.
“Excuse me, kailangan ko ng umalis.”
Agad na pinigilan ito ni Redentor. “Aalis ka na? Pambihira, kakakilala pa lang natin.
“I have to wake up early po, may job interview pa ako bukas. Padaan po.”
“Job interview?” Makahulugan ang nagging tingin ni Marlon kay Redentor, bagay na naunawaan ng huli.
“Upo ka muna, mag-usap muna tayo sandali. Ano bang trabaho iyan?”
Pinagbigyan ng dalaga na kausapin ang dalawa. Sinabi niyang nag-a-apply siyang waitress sa isang hotel. Dahil makulit ang dalawa, ikinuwento niya na dati ay gusto niyang magpulis dahil mahilig siya sa baril at gusto niyang maging detective.
Tumungga muna ng alak si Redentor bago muling nagtanong. “Bakit ‘di ka nagpulis?”
“Nagbago na po ang isip ko. Ayaw ko na ng baril.” Hindi nakaila sa dalawa ang paglamlam ng mga mata ng babae, lalo tuloy silang nagkainteres na kulitin ito.
“Bakit?” Nag-aabang si Marlon ng maganda sa kaniyang pandinig.
“Na-inlove ka ba sa isang pulis at niloko ka kaya ka nandito?” Hindi nagpapahalata si Redentor na interesado siyang marinig ang tunay na dahilan ng babae.
Tinungga ni Danica ang huling lagok ng kaniyang beer bago nagsalita. “Pulis ang pumatay sa daddy ko. Sa lahat ng tao, kaibigan pa niya ang pumatay sa kaniya!”
Kumislap ang mga mata ng dalawang lalaki sa narinig. Tila nakarinig sila ng magandang musika na siyang naging dahilan ng paggaan nila ng loob sa kausap. Biglang nag-iba ang interes nila kay Danica.
“Sigurado ka bang matatanggap ka sa inaaplayan mo? Kung sa akin ka mag-aaplay, sigurado ka na. Malaki akong magpasuweldo, kung magpapakabait ka.” Umasa si Redentor na hindi aayawan ng babae ang in-offer niya dito.
“College undergrad lang po ako, sir.”
“Walang problema. Hindi mo kailangan ng diploma sa magiging posisyon mo sa kumpanya ko. Mag-uumpisa ka sa stocks.” Pinagmasdan niya ang babae na pinag-iisipan ang sinabi niya. “At huwag na sir ang itawag mo sa akin. Itinuturing ko ang mga tao ko na kapamilya.” Nang walang narinig na pag-ayaw sa babae ay muli niyang inilahad ang kamay dito. “O, paano, magsisimula ka na bukas? Mula ngayon, kapamilya na kita.”
Nakangiting tumango si Danica at nagpasalamat sa dalawa. Muling umorder ng beer si Redentor.
“Dahil kapamilya ka na, mahalaga sa atin ang tiwala. Sabihin ko sa ‘yo, ibibigay ko ang lahat ng kailangan mo, huwag mo lang akong tatraydurin.”
Tumango-tango naman si Marlon. “Stay-in ka. Libre ka ng bahay, ‘di ka magugutom. Wala kang ipag-aalala, asikasuhin mo lang mabuti ang trabaho mo.”
NAGSIMULA si Danica bilang tagatanggap ng mga dumadating na kahon. Sa tuwing may dumadating ay binibilang niya ito at nila- logbook. Pero pinagbawalan silang lahat ng nasa warehouse na buksan ang mga kahong iyon. Siya rin ang naglilista kapag may kumukuha ng mga kahon. Construction and supply ang negosyo ni Redentor kaya normal lang na mabibigat ang mga kahong dumarating. Nagpakita naman ng kasipagan sa trabaho ang babae, bagay na kinagiliwan sa kaniya nina Redentor at Marlon na paminsan-minsan ay dumadalaw doon at nagsu-supervise.
Natutuwa daw sa kaniya si Redentor kaya pinapadalhan siya nito ng mga prutas at masasarap na pagkain sa apartment niya.
“Hindi raw siya nagkamali ng pag-hire sa iyo. Hindi mo sinayang ang pagtitiwala niya,” ani Marlon ng pinagkape ito ng dalaga sa apartment niya. “Nakita mo naman, alagang-alaga ka ni boss.”
“Ikaw din naman,e. Inaalagaan mo rin ako. Ikaw na ang tagadala ng prutas, ikaw pa ang paminsan ay sumusundo at naghahatid sa akin.”
“Gusto lang naming siguraduhing okey ka. Hindi kasi mai-offer ni boss sa ‘yo na du’n ka na tumira kasama namin. Babae ka kasi, baka mailang ka na puro lalaki ang kasama mo sa bahay.
“Sabagay, napansin ko nga, ako lang mag-isa sa warehouse. May babae naman sa office, di ba, ‘yung secretary at accountant ni boss. Stay-in din ba sila?”
“Hindi. May pamilya na ang mga ‘yon. Ikaw lang ang nag-iisang babaing stay-in. Alam mo, tinitingnan pa kasi ni boss kung hanggang saan ang katapatan mo. Alam mo na, maraming iniingatan ang isang negosyante. Pero kapag napatunayan mo na ang katapatan mo sa kaniya, ipu-promote ka rin nu’n.”
Minsan ay may dumating na dalawang kahon na kakaiba ang itsura sa mga kahong laging dumarating sa warehouse nila.
“Ano ito?”
Walang sumagot kay Danica sa mga taong nandoon. Hindi nagtagal ay dumating si Marlon, agad nitong inasikaso ang dalawang kahon at ipinapasok sa isang nakakandadong kuwarto sa sulok ng warehouse. Sinundan niya ang mga ito pero hindi siya pinapasok ni Marlon sa kuwartong iyon.
“Bakit? Ano iyan?”
“Maselan ang bagay na ito. Hindi ka puwede dito.”
“Pero ako ang in-charge sa stocks, baka hanapin ‘yan sa akin ni Redentor.”
Umiling-iling na itinaboy siya ni Marlon laluna ng makita nitong dumating na ang mga lalaking ka-deal niya. “Umalis ka na.”
“Hindi!”
“Umalis ka na!” Kinailangan niyang pakitaan ng galit ang babaing itinuring na niyang kaibigan, napilitan nga itong umalis bago pa pumasok sa kuwartong iyon ang mga ka-deal niya.
Mula noon ay naging malamig ang pakikitungo ni Danica kay Marlon, bagay na ikinalungkot naman ng huli. Naisip niyang kausapin si Redentor tungkol sa babae.
“Paano mo nasisigurong hindi siya kakanta? Babae iyon, madaling matakot.”
Sinikap ni Marlon na makumbinsi ang boss niya. “Nakalimutan mo na ban g gabing una natin siyang nakita? Kung paano siya lumaki? Kung paano ang naging buhay niya?”
Tila nagbalik-tanaw naman si Redentor kaya nakakita ng pag-asa si Marlon sa gusto niyang mangyari.
“Para dito talaga siya. Para siya sa atin. Magagamit natin siya.”
“Pero babae siya. Hindi siya puwedeng pang-pronta.”
“Iba na ang impluwensiya ng mga babae ngayon. Makikita mo, malaki ang maitutulong niya sa iyo.”
Nilapitan siya at tinitigan ng lider ng gang. “Magtapat ka nga sa akin, Marlon, ano ba talaga ang dahilan, bakit mo siya gustong ipasok? Mukhang masaya naman siya sa ginagawa niya.”
Nag-isip muna si Marlon, at napagtanto niyang kailangan niyang sabihin sa kausap ang tila pag-iwas sa kaniya ni Danica at tila pagdududa nito sa kaniya.
“Baka ipapulis pa niya ako, madadamay ka. Ipasok na lang natin siya. Ako ang bahala, ako ang gagawa ng paraan.”
Hindi naman nabigo si Marlon at napa-oo ang lider nila. “Siguraduhin mo lang na hindi siya kakalas.”
Masayang tumango-tango si Marlon. Agad siyang nagplano kung paano mapapasama sa malakihang raket nila si Danica sa paraang hindi ito makaaayaw.
Sinubukan nilang idaan muna sa pag-promote sa babae ang naturang balak nila dito. Natuwa si Redentor sa may kainosentihang paglinga-linga ni Danica sa loob ng opisina niya.
“First time mo ba dito?”
“Dito sa mismong office mo, oo. Mabango pala at maginaw.”
Lumuwang ang ngiti ng lalaki. “Mula ngayon ay dito ka na maglalagi. Iyan na ang magiging puwesto mo.” Ipinakita nito ang bagong office table na nasa isang sulok ng malaking opisina ni Redentor. “Bagung-bago ang mesa mo. I-try mo na.”
Alanganing lumapit sa nasabing mesa si Danica. Nakita niya sa ibabaw ng mesa ang name plate niya, ang pangalang Danica Consing, Personal Secretary.
“Naisip kong marami na masyadong load si Haydee bilang office secretary ko. Tutal, parang tunay na kitang kapamilya, naisip kong gawin kitang personal secretary.”
Walang maisip na i-react ang babae sa biglaang pagbabagong iyon.
“Mula ngayon, kasama na kita sa lahat ng travels ko. Makikilala mo ang lahat ng mga katransaksyon ko. Higit sa lahat, ikaw na ang magiging tagatago ng lahat ng sekreto ko.”
Nanatiling tahimik si Danica, pilit na hinahagilap ang sasabihin.
“Ano’ng masasabi mo?”
“S-salamat sa tiwala. Pero bago pa lang ako sa kumpanya,…”
“Kaya nga ako bilib sa iyo, bago ka pa lang pero magaan na agad ang loob ko sa iyo. Palagay ko’y mapagkakatiwalaan kita ng lahat-lahat sa buhay ko.”
“Salamat.” Napayakap siya sa boss niya dahil sa tuwa. Excited siyang lumapit sa mesa niya at umupo. “What’s your itinerary, sir?”
Natawa si Redentor sa pagpapa-cute ng babae. Totoo namang magaan ang loob niya kay Danica, pero ayaw niyang ito ang maging dahilan ng pagkasilat ng isa pa niyang negosyo, ang gun smuggling kung saan siya kumikita ng malaki. Front business lang niya ang construction supplies. Ang kaloob-loobang bahagi ng malaking warehouse niya ang pinaglalagakan ng mga armas na ibinebenta nila, at iyon ang kamuntik ng mabuko ni Danica. Ayaw niyang magulat ang babae, baka i-report pa sila sa pulis kaya sumang-ayon siya sa plano ni Marlon.
PINLANO nilang mabuti ang mga sumunod nilang hakbang. Ginawa nilang pulido ang lahat at hindi sila mabibisto.
SOUTH KOREA ang una nilang naging destinasyon. May business meeting daw sila doon. May kinausap namang tao sina Redentor at Marlon pero iniwan nila sa loob ng hotel suite si Danica habang naghahanda ito para sa dinner. Past eight na ng gabi at nakahanda na siya para sa dinner ay wala pa ring kumakatok sa pintuan niya. Kinutuban ang babae kaya’t kumatok siya sa pinto ni Redentor. Nang walang sumasagot ay kinatok niya rin ang pinto ni Marlon. Tatawagan niya sana ang dalawa pero naisip niyang hanapin na lang niya ang mga ito.
Pagbaba niya ng hagdan ay dumating naman sa hotel sina Redentor at Marlon. Napagtanto ni Danica na may ginawang transaksyon ang dalawa behind her back. Ipinahalata niya ang pagtatampo.
“Saan kayo galing? Dinala ninyo ba ako rito para lang iwanan?”
Nagkatinginan ang dalawang lalaki at ngumisi. “May babae kasing nagustuhan si Marlon kaya sinaglit namin. Magdi-date sila mamaya.”
“Ganu’n ba?” Matamlay ang naging sagot-tanong ng babae, tiningnan si Marlon. Kinumpirma naman ito ng huli.
“Kayo na muna ni boss ang magdi-dinner, kailangan kong maghanda para sa date.”
“Isama mo naman kami. Gusto ko siyang makita. Maganda ba siya?”
Si Redentor ang maagap na sumagot. “Hindi iyon dinner date lang kaya huwag na natin silang istorbohin. Hindi pa ba ako sapat sa iyo?”
Walang nagawa si Danica kundi ang ngumiti. Kumapit siya sa bisig ng lalaki para mag-dinner na sila.
“European cuisine pala ito.”
“Ito ang specialty nila. Masarap, ‘di ba?”
Tumango at ngumiti si Danica. Happy face ang ipinakita niya sa buong panahon ng dinner nila.
“Boss, ano ang itinerary natin dito?”
“Actually, mamamasyal lang tayo. Saang part ban g Korea mo gustong pumunta?”
“Mamamasyal lang tayo? Wala tayong meeting?”
“Wala. Pasyal-pasyal lang. Napansin ko kasing masyado kang masipag at panay ang overtime mo. Pumapasyal ka pa rin daw sa warehouse, kinukumusta mo sila. Iyan ang gusto ko sa isang empleyado, masipag, maaasahan, mapagkakatiwalaan.” Idiniin pa niya ang huling tinurang salita.
Ngiti lang ang isinagot ni Danica. “Sabagay, boss, hindi pa ako nakapunta dito.Pasyalan natin lahat ng kaya nating puntahan.”
“Sige, game ako diyan.”
Alam ni Danica na hindi pa lubos ang tiwala ni Redentor sa kaniya kaya wala siyang magawa kundi ang i-enjoy na lang ang pamamasyal sa mga sikat na building,parke, at isla ng South Korea. Matapos ang pamamasyal ay pinatunayan ni Redentor ang pagka-galante niya. Ibinili niya ang babae ng mamahaling office suit at isang cute na stuffed toy.
Hindi itinago ni Danica ang pag-i-emote ng matanggap ang stuffed toy. “It’s been a long time. Bata pa ako ng huli akong nakahawak ng ganito. Nami-miss ko tuloy ang family ko.”
“’Di ba, sabi ko naman sa ‘yo, para na tayong pamilya. Wala na sila kaya kami na ngayon ang pamilya mo.” Hinagod ni Redentor ang buhok ng babae.
“Salamat, boss. Ang bait ninyo sa akin. Ang suwerte ko.” Yumakap siya sa lalaki.
Nagkatinginan ang dalawang lalaki. Sigurado na sila na tama ang naging desisyon nilang ipasok sa gun smuggling si Danica. Pinagkakatiwalaan sila nito at mapagkakatiwalaan din nila ito. Wala ng pamilya si Danica kaya sila na ngayon ang ituturing nitong pamilya.
BAGUNG-BAGO ang kulay pink na sports car ang ibinigay ni Redentor kay Danica. Marunong namang mag-drive ang babae kaya hinayaan siyang siya lang mag-isa sa kotse niya. May meeting sila sa isang café sa Manila ng gabing iyon. Malapit na siya sa meeting place nang pagliko niya ay biglang tumawid ang isang lalaki at nabundol niya ito.
“Okey ka lang ba, mister?” Agad niyang tinanong ang nabundol pagkababa niya ng kotse.
Tila nawalan ng malay ang lalaki. May dugong tumagas galing sa tiyan nito na ikinabigla ni Danica.
“Tulong! Dalhin natin siya sa ospital!”
Siyang pagdating nina Redentor at Marlon. Si Marlon ang bumuhat sa lalaking nabundol at isinakay niya ito sa kotse. Agad na sumakay sa kotse si Danica para sundan sina Marlon pero pinaalis siya ni Redento sa driver’s seat. Ang lalaki ang nag-drive.
Napansin ni Danica na hindi na sila sumusunod kina Marlon.
“B-bakit?... Saan tayo pupunta?”
Nagtagis ang bagang ng lalaki. Inihinto nito ang kotse sa isang gilid at seryoso ang mukhang kinausap si Danica. “Hindi ka muna puwedeng magpakita ngayon. Kahit sa office, huwag ka munang mag-report doon. Magtago ka muna.”
“Bakit?”
“Namukhaan ko ‘yung nabangga mo. Anak iyon ng isang drug lord. Malaki ang gang nila. Tiyak na hahanapin ka para patayin.”
“Wala akong pagtataguan!”
“Du’n ka muna sa bahay ko.”
ISANG malaking bahay ang nasa loob ng isang mataas na pader na iyon ang bumulaga kay Danica. Maganda ang bahay ni Redentor. Doon din ang quarters ng mga tauhan ng lalaki. Alam niya, nag-iisa lang siyang babae doon maliban sa mga katulong.
Nasa ikalawang palapag ng bahay ang kuwartong ibinigay sa kaniya. Bulaklakin ang kurtina nito na kulay pink at may nakahandang night gowns. Tila inihanda para sa isang babae.
Madaling-araw na ng dumating si Marlon. Agad siyang sinugod ni Danica para kumustahin ang lagay ng nabundol niya.
“Saang ospital mo siya dinala? Hindi mo sinasagot ang calls ko.”
“Hindi na mahalaga iyan. Ang mahalaga’y makapagtago ka. Galit na galit ang pamilya ng napatay mo.”
“Patay?” Hindi makapaniwala sa narinig ang babae. “N-napatay ko siya?”
Tumango lang si Marlon. Pagod ito kaya iniwan niya ang babae para magpahinga.
“Kung ganu’n, tama ako. Mabuti na lang at nandito ka na.” Tinapik ni Redentor ang balikat ng babae. “Huwag mo ng isipin ‘yan. Ang mabuti’y paghandaan natin kung sakaling matunton ka nila dito. Huwag kang mag-alala, ‘di ka namin pababayaan.”
Walang pinalipas na araw sina Redentor. Kinabukasan ay naging simula na ng paghahanda nila para sa mga taong hahabol kay Danica. Dinala nila si Danica sa isang liblib na lugar. Sa unang tingin ay parang farm lang ito na hindi na naaasikaso. Pero sa kaloob-looban ng lugar ay may firing range. Naunawaan na ni Danica ang gustong ipagawa sa kaniya ng mga kasama.
“Madali ka naman palang turuan,” ang bati ni Marlon sa babae matapos ang shooting exercises nito.
“Magaling kasi kayong magturo.”
Sumenyas si Redentor para magmeryenda sila kaya lumapit at naupo na rin doon si Danica. “Ngayong alam mo na paano gumamit ng baril, may laban ka na sa mga taong humahabol sa iyo.”
“Ang laki na ng utang na loob ko sa inyo. Paano ko ba kayo masusuklian?”
“Darating din tayo diyan. Kailangan lang ay magpakabait ka. Mula ngayon, ipagkakatiwala ko na sa iyo ang lahat ng sekreto ko. Ituring mong ang akin ay parang sa iyo na rin.”
Naupo na rin si Marlon. “Maaasahan mo kami sa lahat ng oras. Sana ikaw din.”
“Oo naman. Subukan ninyo ako.”
Itinaas ni Redentor ang baso ng juice. “Toast tayo para sa matatag na samahan.”
“Cheers!” Tuluyan ng nakapasok sa Redentor Silva Gang si Danica.
CHAPTER 8:
Nang panatag na natutulog ang lalaki sa salas, dahan-dahang sumilip mula sa loob ng kuwarto si Danica. Nang masigurong tulog na talaga si William ay humakbang na siya palabas, ngunit huminto ng mapansing naka- night gown siya. Magbibihis pa sana siya pero kailangan niyang magmadali kaya ipinagpatuloy na niya ang pagtakas.
Madilim ang paligid. Gamit ang isang lighter, pilit niyang inaaninag ang daan. Nahirapan siya sa paghahanap ng malulusutan dahil hindi niya inasahang natabunan na lahat ni William ng mga patay na sanga ang mga posible niyang daanan.
“Pambihira!” Disappointed siya dahil iisa na lang ang naiwang walang nakahambalang na sanga, ang daang tinahak nila papasok sa lugar na ito na alam niyang may nakalagay na trap.
Huminga muna siya ng malalim at nagdesisyon. Nakakatatlong hakbang pa lang siya ay naramdaman na niyang may natapakan siyang lubid.
“Aaayyy!” Hindi pa rin niya napigilan ang pagkabigla sa pagkabitag ng paa niya sa lubid na iyon.
Palibhasa’y ayaw niyang mahuli ni William, dahan-dahan niyang pilit na inaabot ang nabitag niyang paa.
“Uuuhh!...u-uuhh!...”
Pinagpapawisan na siya ay hindi pa rin niya maabot ang kaniyang paa. Ayaw naman niyang sumigaw at magpasaklolo kay William. Ito na ang pagkakataon niya para makatakas.
“Gusto mo lang palang i-display ang panty mo, nagpapahamog ka pa.”
Nagulat man sa narinig na boses, alam niyang wala na siyang tsansang makatakas. Nahihiya, ayaw niyang tumingin sa lalaki.
“Ang weird mo namang manukso ng lalaki, kailangan mo pang nakabitin ka,” ngingiti-ngiting sabi ng lalaki, umupo pa ito sa isang bato malapit sa kinaroroonan ng babae.
“Puwede ba, tulungan mo ako!” Hindi niya napigilan ang sariling magtaray sa ginawi ng lalaki, dala na rin ng pagkapahiya dahil ipinahahalata nito na nakatitig ito sa panty niya.
“Bakit? Akala ko ba gusto mong mag-show ngayong gabi?” isinalikop pa nito ang mga bisig upang panoorin ng matagal sa pagkakabitin ang dalaga.
Walang ginawa si Danica kundi ang pagsikapang maabot ang paa niyang nakatali. Nguni’t hindi niya pa rin ito maabot.
“Walanghiya!” Gusto niyang batuhin ng malulutong na mura ang lalaki. Namumula na ang mukha niya dahil sa pagkakabitin at sa pagkapahiya sa naging sitwasyon niya. “Akala ko pa naman katulad ka ni James Bond, paraka lang palang sanggano!”
Napansin ni William ang pamumula ng mukha ng babae kaya agad siyang tumayo at inagapan ang babae. Kinalas niya ang pagkakatali nito. Kinarga niya ito pabalik sa higaan nito.
Habang nakahiga sa kama ay matamang tinitingnan ni William ang paa ng babae na na-trap. Hinilut-hilot niya ito.
“Ngayon, hihilut-hilot ka!”
“Hey! Miss, kung nakuntento ka na lang kasi sa masarap na kamang ito at hindi mo na tinangkang magpakita ng panty mo,” naramdaman niya ang pagba-blush niya dahil sa pagbabalik-alaala niya sa pagkakakita niya ng underwear nito.
Kahit na nakabitin kanina ang babae ay hindi niya napigilang maakit sa nakabuyangyang na pagkababae nito sa kaniyang harapan. Idinaan na lang niya sa pagka-sarcastic ang kaniyang pananalita para itago ang naramdaman niya sa babae. Hindi rin niya agad ito hinawakan dahil nag-iisip pa siya kung paano ito tutulungan sa paraang maiwasan ang skin-to-skin nila ng babae. Alam niyang medyo quota na kasi siya dito, isa pa’y ayaw na niyang madagdagan ang init na naramdaman niya para sa babae.
Nagpapapalag si Danica sa muling pagtali sa kaniya ng lalaki. Napagod si William sa pagtakas na ginawa ng babae kaya ipinasya nitong muling itali ang huli. Itinali niya ang dalawang kamay nito sa magkabilang bahagi ng headboard habang malaya naman ang dalawa nitong paa.
“Kalagan mo ako, please! Hindi na ako tatakas!”
“Talagang hindi. Kaya diyan ka muna.” Tinalikuran na nito ang babae, pero binalikan din niya ito at kinumutan.” Humiga na siya sa sofa.
Nag-iiingay ang dalaga. “Untie me! Hey! Police brutality ito, I will report you!”
“E, ‘di mag-report ka.” Bumiling pa ito patalikod sa gawi ng babae at itinakip ang unan sa kaniyang tenga.
Nagkunwari si William na natutulog. Hindi na niya sinasagot ang pagngangalngal ni Danica. Nang tumahimik na ang babae ay inihanda na ni William ang sarili sa masarap na pagtulog para lang madismaya sa muling pagngangangawa nito.
“Untie me!... Lumapit ka dito!... William!...Hey!...” Pinagsisipa niya ang paanang bahagi ng kama para magising ang lalaki.
Tiim-bagang na lumapit si William. “Puwede ba, patulugin mo naman ako. Hindi puwedeng lagi na lang tayong magtitigan, baka magkapalit na tayo ng mukha niyan!”
“Kalagan mo ako!”
“Hindi puwede.” Napansin niyang nalilis na naman ang kumot ng babae.
“Naiihi ako!”
Umalis si William at bumalik dala ang isang tabo. Nanlaki ang mga mata ni Danica sa nahihinuhang gustong mangyari ng lalaki.
“Diyan ako?”
“Oo, dito ka mag-psshh-pshh!” Dahil tumanggi ang babae, tiningnan niya ito ng mata sa mata. “Kung ayaw mo, diyan na lang sa kama mo.”
“Pero malapit lang naman ang C.R. Samahan mo na lang ako du’n.”
“Dito na lang. Take it or leave it.”
Pumayag na lang ang babae na sa tabo umihi. In-adjust ng lalaki ang pagkakatali ng dalawa niyang kamay upang makaupo siya sa tabo. Nililis ni William ang night gown nito.
“If I know, gusto mo lang makaisa.”
Hindi pinansin ni William ang pang-aasar ng dalaga. “Bilisan mo. Gusto ko ng matulog,” sabi ng lalaki habang nakaalalay pa rin sa night gown ng babae para hindi ito mabasa ng umiihing dalaga.
Gustong magpakita ng violent reaction ni Danica ng ibinalik siya ng lalaki sa dating pagkakatali pero minabuti niyang kumalma na lang. Alam niyang magsasayang lang siya ng laway. Mukhang desidido ang lalaki na itali siya buong magdamag. Kasalanan din naman niya, sinira niya ang ibinigay nitong tiwala.
NASA kasarapan ng pagtulog si William ng binulahaw siya ng pagtatatawag ni Danica. Nakaramdam siya ng pagkainis ng makitang malalim pa ang gabi. Tila ayaw siyang patulugin ng babae.
Maingat siyang pumasok sa kuwarto. Ayaw niyang mabiktima ng inilagay niyang trap sa may pinto nito. Sa itaas kasi ng pinto niya inilagay ang tabong inihian ng babae na siguradong mahuhulog kapag ginalaw ang pinto. Napansin ito ni Danica.
“Aha! Ang balahura mo! Kaya pala diyan mo ako pinaihi!”
Mapaklang ngiti lang ang isinagot ni William kapagkuwa’y sumimangot ito. “Wala ka na ba talagang manners? Talaga bang ‘di mo ako patutulugin?”
“Manners!? Coming from you! Bakit mo ako gustong mag-shower ng ihi ko?”
“Para bigyan ka ng leksiyon! Masyado kang makulit, e. Napaka-stubborn mo! Alam mong pati ikaw, binabaril ka nila, gusto mo pa rin silang balikan! Para kang bulag sa katotohanan!”
Hindi agad nakasagot ang babae. “May sarili akong dahilan. Hindi mo ako puwedeng pangunahan sa gusto kong gawin.”
“Sabagay, puwede namang hayaan na lang kitang magpakamatay.” Umupo ito sa kama. “Hayaan mo, bukas na bukas, malaya kang bumalik du’n sa idol mo, at sa mga palalabs mo. Bahala na sila sa iyo!”
Dahil hindi kumikibo ang babae ay nagpatuloy si William sa pagsasalita. “Maganda ka sana pero ang tigas ng ulo mo! Hindi ka marunong makinig! Ang nakakatakot pa sa ‘yo, wala kang pakiramdam! Hindi ka marunong matakot sa bagay na dapat ay natatakot ka!”
Magpapatuloy pa sana sa pagsasalita ang lalaki ng umutot ang babae. Napatakip ng ilong si William. Agad niyang tinanggal ang kamay sa ilong ng makitang napapahiya ang dalaga.
“Sorry, mabaho, e. Bakit ‘di mo sinabing natatae ka pala?” Mabilis nitong kinalagan sa pagkakatali ang babae.
“Paano ako makakapagsalita? Baka asbaran mo pa ako kung ibubuka ko ang bibig ko.” Hindi niya napigilan ang muli niyang pag-utot. She turned to hide her sudden blush of embarrassment.
Natatawang tinakpan ni William ang ilong niya. “Kinabagan ka tuloy dahil sa paglabas mo kanina.”
Sinamahan ni William ang babae patungo sa comfort room at naghintay siya sa may pintuan nito.
“Huwag kang mag-abang diyan!”
“Bakit, nahihiya bang lumabas iyan?”
“Alis na diyan!” Pagkasabi noon ay sunud-sunod ang pagtunog ng hanging lumabas sa puwet ng dalaga.
“O, sige na. Parang UZI ‘yan, a.”
“Alis!”
“Opo.” Itinaas pa nito ang kamay na parang sumusuko kahit na walang nakakakita sa kaniya.
Paglabas ni Danica sa comfort room ay nakita niyang nakahanda na ang mainit na tsaa sa ibabaw ng mesita sa salas.
“Mag-tsaa tayo. Tamang-tama na ang init nito.”
Tumalima naman si Danica, napasimangot ito ng matikman ang tsaa. “Pepper tea?” Ibinaba nito ang tasa.
“Oo. Ubusin mo ‘yan, mari-relax ka niyan.” Nang hindi tumalima ang babae ay kinuha nito ang tasa ni Danica at ipinainom ang tsaa sa babae. “Matuto kang makinig, lalo kung para naman sa kabutihan mo. Huwag masyadong maarte at ma-pride.”
Nang maubos ang tsaa ay humiga na sa sofa si William.
“Hindi mo ba ako itatali doon?”
“Gusto mo ba? Nagustuhan mo yata, e. Feeling mo yata ikaw si Anastasia.”
Ibinato ni Danica ang kumot ng lalaki sa mukha nito. “Takpan mo nga ‘yang pagmumukha mo at masyado ng kumakapal! Baka ikaw ang nag-iilusyon na ikaw si Mr. Grey!” Padabog na tinungo ni Danica ang kuwarto. Naiwang nangingiti ang lalaki.
Somehow ay alam niyang hindi na magtatangkang tumakas ang babae. At least, hindi pa ngayon. Tiningnan niya ang relos sa bisig niya. Alas tres na ng madaling-araw. Ilang oras na lang ang natitira at mag-uumaga na. Kailangang magtagumpay ang plano niya.