Views

Chapters 9&10: Kiss my Gun

0

 



CHAPTER 9:

Maingat na inabangan ni William si Gen. Inahid sa isang coffee shop. Ito ang nagbigay sa kaniya ng mission order para i-infiltrate ang Redentor Silva Gang. Ilang taon na rin kasi itong namamayagpag sa gun smuggling pero wala pa rin silang lead kung ano ang itsura nito. Ang hinuha nila ay nagparetoke ito ng mukha kung kaya’t hindi nila ito nakikilala.

 “So, tama pala ang suspetsa natin. Iba na ang itsura niya. Malayung-malayo na dito,” inilapag ng heneral sa mesa ang lumang litrato ni Redentor Silva. “Mabuti at naabutan mo ako dito. Kahapon pa kita hinihintay.”

 “Nag-iingat lang, sir. May koneksyon daw ho siya sa atin.”

 “Sino?” Halatang hindi inaasahan ng heneral ang narinig. Nakakulong na ngayon si Sgt. Romulo, may iba pa ba siyang galamay?”

 “Mayroon, sir. Kailangang malaman natin kung sino ang hudas sa atin. Nanghihinayang ako talaga, muntik na sana silang mahuli!” Nakakuyom ang palad ng lalaki habang nagsasalita. Nakita niya ang galit sa mukha ng kausap. “Sino kaya ang hayok sa perang nagtatraydor sa atin, sir?”

 “Kung sino man iyan, mananagot siya! Isa siyang anay na sumisira sa organisasyon!” Nakita ng heneral ang pagdating ng tatlong lady police na pinangungunahan ni Police Sergeant Malou Soriano. Agad niyang binilinan ang kausap. “Gawin mo ang lahat para mahuli ang traydor na ‘yan. Suportado kita.”

Masayang nilapitan sila ng tatlong babaing pulis. Magaganda ang tatlo at puwedeng ipambato sa patimpalak ng kagandahan. Katunayan, bago nagpulis ang dalawang kasama ni Malou ay nakoronahan bilang reyna ng patimpalak sa kanilang lugar. Sumaludo ang tatlo sa dalawang lalaki. Nagmano naman si Sgt. Soriano sa heneral.

 “Kasama mo pala ang mga tao mo. Maaga ang bonding ninyo, a.” 

 “Niyaya ko ho silang magkape dito, ninong, hindi ko inakalang nandito kayo ni mistah.” Binati nito si William. “Hindi na kita nakikita, a.”

 “Busy lang, alam mo naman.” 

 “Sabagay, kung hindi lang ako nalipat, magkasama sana tayo ngayon. Lumipat ka na ba ng bahay? Napadaan ako sa apartment mo kahapon, ang sabi’y ‘di ka na umuuwi doon.” Inakbayan nito si William. Nagkasya naman sa katabing mesa ang dalawa niyang subordinates at umorder ng kape.

Kumportable ang babae kay William. Bukod sa naging magkaklase sila ay nagkasama rin sila sa dalawang misyon noong pareho pa sila ng departamento.

 “Magkakasama rin kayo uli, huwag kang masyadong manabik sa mistah mo. Kaya tuloy hindi ka nagkaka-boyfriend, e.” Bagama’t nagbibiro ay may pagka-seryoso pa rin ang mukha ng heneral.

 “Ang ninong talaga!”

 “Sa ganda ni Ma’am Soriano!...” tinapik niya sa balikat ang babae. “Huwag kasing masyadong mapili!”

Nagpaalam na si William sa heneral at sa mga babae. Nagpalinga-linga muna siya at lumiko sa isang kanto bago sumakay sa ipinarada niyang motorsiklo sa isang tabi.


SAMANTALA, nang malamang nag-iisa lang siya sa lugar na iyon, agad na nagbihis si Danica. Desidido na siya na ituloy ang pagtakas bagama’t hindi pa pulido ang plano niya kung paano makakabalik sa grupo ni Redentor. 

She ran but fell into a trap na luma na. 

“Aray!... arayy!!...” Lalo niyang naramdaman ang sakit ng makita ang sugat sa kaniyang paa. 

Hindi naman malaki ang sugat. Sinikap niyang matanggal ang kahoy na naka-trap sa kaniyang paa. Nagpalinga-linga siya. Ayaw niyang mahuli na naman siya ni William. Injured, iika-ika siyang lumakad. Nakahinga siya ng maluwag ng makitang malapit na siya sa natatakpang lagusan kung saan sila dumaan ni William papasok sa lugar na ito.


Lingid sa kaalaman ni Danica, kasalukuyang nakikipaglaban si William sa mga tauhan ni Redentor na humahabol sa kaniya habang sakay ang pulis ng motorsiklo. Mabuti na lang at binigyan siya ng heneral ng baril at cellular phone. Somehow ay naramdaman nila ng heneral na maaaring matunton ng gang ni Redentor Silva si William.

Tatlong motorsiklong may tigdalawang sakay ang humahabol kay William. Nagpasikut-sikot siya sa mga kanto ng siyudad. Habang nagda-drive ay nag-iisip siya ng paraan kung paano matatakasan ang mga humahabol sa kaniya.

Suwerteng may nakita ang binata na isang truck ng gulay na pasalubong sa kaniyang direksiyon. Nagpagewang-gewang siya ng pagda-drive at bigla siyang lumiko ng malapit na malapit na siya sa truck kaya sumalpok sa naturang truck ang unang motorsiklong nakasunod sa kaniya. Nakaiwas naman sa naturang truck ang dalawang motorsiklo.

Nakarating sila sa national highway. Lubhang nahirapan si William sa pag-ilag sa mga bala ng mga kalaban. Nakaisip siya ng isang paraan. Dumaan siya sa skyway at sinundan naman siya ng mga humahabol sa kaniya. Nang nakakita siya ng pagkakataon ay tila isang daredevil motorcycle racer na tumalon siya mula sa skyway papunta sa daan sa ilalim nito. Tama naman ang naging timing ng landing niya kaya nakapagpatuloy siya sa matuling takbo ng sasakyan. Tumalon din ang dalawang sumusunod sa kaniya nguni’t minalas ang unang tumalon dahil tiyempong dumaan ang isang malaking truck at nasagasaan ito. Ang pangalawang tumalon na lang ang natitirang humahabol kay William.

Bagama’t hindi pa niya nakikita, nararamdaman ng binata na may humahabol pa sa kaniya. Kailangan na niya itong madispatsa dahil kung hindi, baka matunton pa nito si Danica. Malapit na kasi sila sa lugar na pinagtataguan nila ng babae.


SAMANTALA, nakalabas na ng lagusan si Danica. Naghintay siya ng dadaang sasakyan. Pinara niya ang isang pribadong sasakyan pero hindi siya pinansin ng driver. Nagpasya ang babae na maglakad hanggang sa makarating siya sa kalsada na maraming sasakyang dumadaan.

Wala pa ring nagpapasakay kay Danica. Pagod na ang babae sa paglalakad pero hindi siya humihinto. Gusto niyang makalayo agad sa lugar na iyon.

Kumunot ang noo ni William ng mahagip ng mga mata nito si Danica. Sa pag-aakalang hindi siya nakita ng lalaki ay patagilid na naglakad si Danica. Nakahinga siya ng maluwag ng nilampasan lang siya ng lalaki. Hindi nagtagal ay dumaan naman ang motorsiklong humahabol sa lalaki. Pero namukhaan siya ng mga ito kaya binalikan siya.

Nabigla si Danica ng iniumang ng isa sa mga itoang baril sa kaniya. Kakalabitin na sana ng gunman ang gatilyo ng tinamaan ito ng bala sa ulo. Agad itong tumimbuwang matapos barilin ni William na bumalik sa dakong iyon. Kahit na nagulat, tinangka pa rin ng driver na barilin ang pulis pero naunahan siya nito. Dahil sa balikat lang ito tinamaan, pinaharurot ni William ang motorsiklo niya at binangga ang lalaki. Umekis-ekis naman ang motorsiklo niya dahil nawalan siya ng panimbang. Bumagsak si William at tumama ang ulo niya sa isang bato.

 “William!...” Lumapit siya sa lalaki pero hindi ito kumikibo. Naisip niyang wala ng hadlang sa kaniyang pagtakas. Iniwan niya ang lalaki.

Sa wakas ay may nagpasakay kay Danica. Papalayo na siya ng napaisip siya. Bumaba siya sa sasakyan at binalikan ang pulis. Saka lang niya napansin na tumama ang ulo nito sa bato. Nanlaki ang mga mata niya. Hindi niya sigurado kung dapat ba niya itong dalhin sa ospital. Sa naging pangyayari ay tiyak niyang patuloy silang pinaghahanap ng grupo ni Redentor, at galit pa rin ang huli sa kaniya.

Sinipat niya ang mukha ng mga gunman. Hindi niya ito nakita sa gang. Pero naaalala niya ang mukha ng isa, ang nagtangkang bumaril sa kaniya. Ito ‘yung nabundol niya at inakala niyang napatay niya. Ngayon ay nakumpirma na niya na tama ang naging sapantaha niya. May mga tauhan pa si Redentor na hindi niya kilala. Ang lalaking ito ang ginamit para sa “gimmick” ni Redentor para tuluyan siyang umanib  sa gang nito.

 “Buhay ka pa pala! Ngayon, patay ka ng talaga!” Gusto man niya itong pagsisipain sa galit pero iniwan na lang niya ang mga bangkay. Sinikap niyang madala si William pabalik sa pinagtataguan nilang lugar.


HABANG inaasikaso ni Danica ang sugat sa ulo ng walang malay na lalaki ay napaisip siya. Tila wala na siyang dahilan para pagdudahan pa ito. Mukhang wala naman talaga itong itinatago sa kaniya. Naisip niyang baka pinipilit niya lang na pagdudahan ito para itago ang umuusbong na damdamin niya para dito. Ayaw niyang maging vulnerable.

Nang matiyak na maayos na ang lagay ng lalaki ay saka niya inasikaso ang sugat niya sa paa. Nakatulog ito, inisip niyang baka dala ng pagkakabagok ng ulo nito. Umasa siya na sana ay wala itong internal damage. Kapag nagkataon ay hindi niya alam kung paano ito dadalhin sa ospital ng hindi siya mahuhuli ng kapulisan at nina Redentor.

Naghanap siya sa paligid ng makakain. Maraming halaman sa paligid pero wala siyang makitang gulay. May nakita siyang ilang puno ng saging. Sinipat niyang mabuti ang bunga. Dinala niya ito at niluto.

 “U-unh!...” Nagising na si William. Alertong nilapitan ito ni Danica. “Sino ka?” Maliyu-liyo pa ang lalaki at malabo pa ang paningin nito.

 Hindi agad nakasagot si Danica. Hindi niya inasahan ang bagong pangyayari. Hindi niya sigurado kung paano magri-react dito. “Amnesia?”, ang naibulong niya sa sarili.

 “Nasaan ako?” Blurred pa kasi ang paningin ng lalaki pero unti-unti itong luminaw.

 “Nandito tayo sa… rest house natin.” On the spur of the moment, iyon ang namutawi sa kaniyang bibig. Kinakabahan man sa hindi masyadong napag-isipang sagot sa lalaki ay sinikap ni Danica na hindi nito mahalatang nagsisinungaling siya dito.

 “Rest house?” Nagtaka siya sa isinagot ng babae.

 “Magpahinga ka muna, honey. Baka lumala iyang sugat mo.” Hinaplos ni Danica ang sugat sa ulo ng lalaki.

 “Paanong…” itatanong niya sana kung paano sila nakarating doon. Pero sa mga narinig niya sa babae ay nahihinuha na niya na may binabalak ito. Naisip niyang makiayon na lang dito.

Ini-enjoy ni William ang pag-aalalay sa kaniya ng babae, lalo na sa tuwing uma-acting siyang sumasakit ang ulo niya. Agad nitong hinahaplos ang ulo niya.


Nang magtanghali ay napansin ni Danica na patingin-tingin sa paligid si William. Nilapitan niya ito.

 “O, bakit?”

 “Parang pamilyar sa akin ang lugar na ito.” At ibinaling niya kay Danica ang paningin, tinitigan niya niya ang mukha nito.

 “Siyempre, rest house nga kasi natin ito. I mean, rest house mo bago pa tayo nagpakasal, kaya kabisado mo talaga dito.” Nang hindi pa rin iniaalis ni William ang paningin sa kaniya ay naasiwa ang babae. “May… naaalala ka ba?”

 “Wala naman. Pilit ko ngang inaalala ang kasal natin, kung paanong naging tayo. Ikuwento mo naman sa akin, honey.”

Napalunok ng laway ang babae, naghahagilap ng maisasagot. Gusto niyang pagsisihan ang pinasok na sitwasyon. “Bakit sa kahapon ka interesado? Ayaw mo bang i-enjoy kung paano tayo ngayon?”

Gusto niyang pagsisihan ang mga sinabi dahil sa awtomatikong paglapit sa kaniya ng lalaki at hinapit siya nito sa bewang.

 “Sabagay, kung ganito kaganda ang misis ko, bakit ko pa iisipin ang iba?” Sinadya ng binata na titigan ng mata sa mata ang babae upang arukin ang damdamin nito pero hindi niya inasahang madadala siya ng nag- blush ang babae.

Isang masuyong dampi sa labi ang hindi pinag-isipang ibinigay ng lalaki kay William. Isang masarap na damdamin ang idinulot nito sa kanila.

Naguguluhan man sa nararamdaman para sa lalaki, minabuti ni Danica na huwag munang i-stress ang sarili kung paano makakatakas sa lugar na iyon. Tatakas siya oras na makakita siya ng pagkakataon pero magpapakita muna siya ng kooperasyon sa lalaki. Deep inside, umaasa siyang makakakita siya ng dahilan para ituring niya itong kakampi.



CHAPTER 10:

Mabigat ang tiyan ni Danica ng gumising kinaumagahan. Marami kasi siyang kinaing nilagang saging sa unang araw ng pagpapanggap niya bilang asawa ni William. Laking pasasalamat niya na hindi siya tinabihan ni William ng gabing iyon. Sa salas kasi nakatulog si William dahil sa pagod sa paghahanda ng mga gagamitin nila sa pagpapalakas ng katawan. Nagkasundo kasi sila na gawing honeymoon/training ang pamamalagi nila sa malaparaisong lugar na ito dahil sa naging injury ni William.

 “Kakain na!” Masayang niyaya siya ng binata.

Nagtaka si Danica sa nakahaing tortang talong, sabaw at pritong isda.

 “Saan ka kumuha nito?”

 “Sa palengke.”

Hindi makapaniwala sa narinig si Danica. Nakapamalengke pala ang lalaki habang tulog pa siya. Ni hindi man lang niya ito namalayang umalis.

 “Hindi ka ba natulog?”

 “Natulog naman, mga tatlong oras. ‘Di ako mapakali,e.” Inialok ng lalaki kay Danica ang sabaw.

 “Masarap ka palang magluto.” Sarap na sarap nga siya sa paghigop ng sabaw


Matapos kumain ay nagkuwentuhan sila, habang naghuhugas ng pinagkanan ang babae. Inusisa niya ito kung bakit hindi na nagtatanong ang lalaki ng tungkol sa kanilang dalawa.

 “Nagugustuhan ko na ang surprises ng bawat minutong kasama kita. Nakikita ko na ang dahilan kung bakit ikaw ang naging asawa ko,” seryoso ang tono ng lalaki. May bahid naman kasi ng katotohanan ang sinasabi niya. Talagang nagugustuhan niya ang ideya na silang dalawa ni Danica ay nagkakasundo.

 Gustong maniwala ng puso ng babae sa narinig, pinipigilan lang siya ng katotohanang gawa-gawa lang niya ang kuwentong mag-asawa silang dalawa.

 “Paano mo nga pala natagpuan ang palengke?” Iniba ng babae ang topic. Natatakot kasi siyang mapasubo sa isang bagay na hindi niya kayang pigilan kapag hiningi ng pagkakataon. Sa pagkakatitig kasi sa kaniya ng lalaki ay nagbabadya na naman ang pagdampi ng isang halik mula dito.

 Tumikhim muna si William, kapagkuwa’y itinuro ang kabilang dako ng ilog. “Naisipan kong tumawid doon. Na-curious kasi ako kung ano’ng meron doon. Naghanap din ako ng makakain.

 “May palengke doon?”

 “Mas mabuti sigurong ipakita ko na lang sa iyo.”

Lumakad sila sa bandang unahan ng batis. Napanganga si Danica ng lumantad sa paningin niya ang isang hanging bridge. Napahinto siya sa paglalakad, siyang paglingon sa kaniya ni William.

 “Natatakot ka ba?”

Bagama’t hindi umaamin ay inalalayan ni William si Danica sa pagtawid sa hanging bridge na gawa sa lubid at kahoy. Sinabayan niya ito sa pagtawid habang nakaalalay sa isang kamay nito.

 “Relax ka lang.”

Malapit na sila sa gitna ng pagtawid ng napayuko si Danica. Lalo siyang natakot ng nakita ang pag-agos ng tubig sa ilog sa bandang ilalim nila.

 “Eyes on the goal.”

Nilakasan ni Danica ang loob. Muli siyang humakbang. Inabot yata siya ng malas ng nakatapak siya sa isang lubid na maluwag ang pagkakatali. Payakap na nagpasaklolo siya kay William.

 “O-okey. Relax lang. Hindi ka mahuhulog.” 

Naging lubhang kaakit-akit sa paningin ng lalaki ang mukha ng dalaga na parang damsel in distress at siya ang itinuturing na knight in shining armor, lalo at magkayakap sila nito. Papalapit na ang labi niya sa labi nito ng dumampi sa kanila ang hangin. Isinayaw ng hangin ang buhok ni Danica na lalong ikinaganda nito sa paningin ng lalaki. 

“Danica!...” ang tanging naiusal niya. 

Isang buntunghininga ang kaniyang pinakawalan bago muling humakbang. Ang pagdampi ng hangin na iyon ang nagpaalala kay William sa katotohanan na ayaw niyang may mangyari sa kanila ng babae sa gitna ng kanilang pagpapanggap.

Bagama’t magkahawak-kamay silang tumatawid ay hindi naman sila nag-iimikan. Parehong malalim ang iniisip, parehong may gustong patunayan sa isa’t isa.


Nang makatawid ay nahihinuha ni Danica na malapit na nga sila sa sinasabing palengke ng binata. May naririnig na siyang mahinang ingay ng mga tao kung saan sila tumutungo. Nauuna naman sa paglakad si William, hinahawi ang ilang nakahambalang na mga sanga. Na-touch si Danica sa gentleman acts ng lalaki.


Umorder sila ng lomi sa isang maliit na lomihan. Sarap na sarap ang dalawa sa pagkain. Nang mabusog ay nilapitan sila ng isang waitress.

 “Kuwarenta po kasama ang pan.”

 “A, okey,” nang wala siyang madukot na pitaka sa bulsa ay sumenyas siya ng paghingi ng patawad. Agad namang sumipol ang waitress kaya nagmamadaling nilapitan sila cook na may matipunong pangangatawan.

 Agad na pumaibabaw ang isang suntok ng cook na mabilis namang inilagan ni William. Nagpambuno ang dalawa.

 “T-teka, teka! Teka lang po!” Natatarantang umawat si Danica pero parang hindi siya naririnig ng dalawang lalaki.

Umabot sa labas ng lomihan ang pagpapambuno ng dalawa hanggang tinamaan ng cook ang sugat ni William sa ulo na lalong ikinataranta ng babae kaya pumagitna na siya sa dalawa.

 “Huwag! Huwag po!... Pasensiya po, ‘di po namin sinasadya!” Hinaplos naman niya ang sugat ni William. 

“Okey ka lang ba?” pag-aalala niya sa kasama.

“Miss, hindi puwedeng basta na lang kayo kumain at magpakabusog dito! Kailangan ninyong magbayad!” Sinang-ayunan naman ng may-ari ng lomihan ang sinabi ng cook.

“Magbabayad po kami. Puwede pong utang muna?” Nagpapaawa na siya sa cook.

“Ako ang may-ari dito. Hindi ako nagpapautang!” Nilakihan pa ng babaing may-ari ang mga mata niya upang ipakita na galit talaga siya. “Magbayad kayo ngayundin!”

“Paano po?” Gusto na niyang makapag-negotiate sa may-ari upang matingnan ng maayos ang sugat ni William.


SA KUSINA ang naging hantungan ng dalawa. Dahil maraming kumain ng araw na iyon, tambak ang hinugasan nila.

 “Akala ko sa honeymoon tayo mapapasabak, misis, sa hugasan pala.” Inumpisahan niyang tulungan si Danica na ilayo ang pansin sa hirap ng paghuhugas sa nakatambak sa kanilang harapan. Nahalata niya kasi na may pagka-awkward ang pagkilos nito habang naghuhugas.

Hindi alam ni William na kaya awkward ang kilos ng dalaga ay dahil itinatago nito ang nararamdamang kilig sa sitwasyon nilang dalawa na halos magkadikit habang naghuhugas dahil sa kaliitan ng espasyo. Lalo itong kinikilig dahil sariwa pa sa pandinig ng babae ang mga papering ibinigay sa kanila ng mga tao kanina na umano ay bagay na bagay sila bilang mag-asawa.

Seryoso ang mukha na tinawag ng cook si William. Lumabas naman ang huli. Sa likod ng lomihan sila nag-usap.

 “Nasaktan ba kita, sir?” May pag-aalala sa boses nito kahit na medyo pabulong. Ayaw nitong marinig sila ni Danica.

 “Siyempre. Malakas kaya ang pagkakasuntok mo. Ang laki na ng mga pandesal mo ngayon, a!”

 “Dahil sa trabaho, sir. Asawa mo ba talaga si ma’am?”

 “Boto ka ba sa kaniya?” Inakbayan nito ang lalaki at niyaya palayo sa lomihan.

 “Botong-boto, sir. Mukha naman siyang mabait. Alalang-alala siya sa iyo kanina. Pulis din ba siya?”

 He sighed. “Naguguluhan pa ako sa ngayon. Pero umaasa akong darating din ang sagot sa mga tanong natin.” He went back to help Danica.

 “Ano’ng sabi nu’ng mama?”

 “A, ‘yon?... Baldo daw ang itawag natin sa kaniya, at papayagan daw nila tayong maging tagahugas dito kung gusto natin.”

 “Ganu’n ba?” Napaisip ang dalaga. Wala nga naman silang pera, makakatulong kung may income sila habang hinahanap ang solusyon sa kanilang sitwasyon.

 “Gusto mo ba?”

 “Puwede.”

 “Bakit? E, ‘di ba nagha-honeymoon tayo?” Tila nalungkot ang lalaki. “Ipagpapalit mo ba ako sa mga ito?”  

 “Nagsiselos ka ba sa mga mangkok? Pambihira! Dito muna ako habang nagpapalakas ka. Sunduin mo na lang ako para may kasama ako pauwi.”

 “Baka naman iwanan mo ako? Ayoko yatang mawalan ng asawa!” Lumapit pa siya sa babae na ikina-blush ng huli.

 “Ano ka ba, makita tayo. Pangako, hindi ako aalis. Kung aalis ako, hindi habang ganiyan ka,” na halos hindi na niya mabigkas ang mga huling kataga dahil naramdaman niya ang kahulugan ng salita niyang iyon.

 “Dapat, ‘pag aalis ka, kasama mo ako.” 

 “B-bakit naman?” Lumakas ang pagkabog ng dibdib ni Danica sa mga pinag-uusapan nila.

 “Siyempre, mag-asawa tayo, e.” Pinili ni William na i-lighten ang mood kaya kiniliti nito ang babae na tumawa naman ng tumawa. 

Dahil ayaw tantanan ni William ang babae sa pagkiliti, gumanti rin ng pagkiliti ang babae kahit puno ng bula ng sabon ang mga kamay niya. Nagmistula tuloy silang parang mga batang naglalaro ng bula.

Naramdaman ni William na tila masyado ng napapalapit ang kalooban niya sa babae, lalo na sa mga eksenang lumalabas ang kainosentihan ng dalaga at tumatagos sa mukha nito ang taglay nitong mabuting kalooban. Gustung-gusto niyang yapusin ang dalaga, pero pinigil niya ang sarili dahil ayaw niyang makalimot. Ayaw niyang gumawa ng bagay na pagsisisihan niya.

“Opo! Pariyan na po!” Tinatawag yata ako. Mabilis na umalis si William. Naiwang nagtataka si Danica dahil wala naman siyang narinig na tumatawag sa lalaki.

Hindi nagtagal ay may babaing humalili kay William. May iniutos daw kasi ang may-ari sa binata dahil kailangan ng dagdag na magbubuhat. Nagpatuloy sila sa paghuhugas.

Nang matapos sa gawain ay kinausap ng may-ari si Danica. “Ayoko ng magtrabaho uli dito ‘yung kasama mo. Hindi pala siya maaasahan sa pagbubuhat. Pinauwi ko na at sumakit ang ulo.”


Matapos matanggap ang bayad para sa isang araw na trabaho ay naglakad-lakad muna si Danica. Ninais niyang magpahangin habang nag-iisip at naglalakad, marami siyang gustong limiin. Gusto niya kasing makatiyak na tama ang binabalak niyang gawin bago niya muling makaharap ang lalaki.

May napansin ang babae sa paligid. Pinagana niya ang lakas ng kaniyang obserbasyon dito. Ipinikit niya ang mga mata. Kailangan niyang makatiyak sa iniisip niya. Hindi siya maaaring magkamali.

Pinilit niya ang may-ari ng lomihan sa pagsabi ng katotohanan. Kailangan niya ng kumpirmasyon. Nagmatigas ang kausap niya, minsan ay natatawa ito at kung minsan ay sumisimangot.

 “Alam ko ho, wala kayong tiwala sa akin. Pero ako ho, may tiwala ho ako sa inyo. Alam ko ho na may ganitong lugar. Kailangan ko lang ho ng kumpirmasyon.” Naiiyak na si Danica sa disappointment.

 “Umuwi ka na, miss. Huwag mong ipilit ang bagay na ayaw magpakita sa iyo. May dahilan ang lahat. Huwag naman sanang ikaw pa ang sumira sa pinaghirapan at pinuhunanan ng dugo’t pawis ng mga tao.”

 “Kung ganu’n, tama ho ako.” Nangingiting nagpasalamat si Danica. Pinahid niya ang namumuong luha sa mga mata.

 “Sana nga’y nasa tama ka.”


Post a Comment

0 Comments
Post a Comment (0)
To Top