Chapter 3:
Maganang kumain ang dalawa ng niluto nilang manok. Wala silang imikan. Palibhasa’y parehong gutom na gutom, nasa pagkain ang kanilang atensiyon. Nang mabusog ay niyaya siya ni William na maligo sa batis. Bagama’t nahahalina sa batis ay tumanggi siya. Nanlilimahid na ang pakiramdam niya pero ayaw niyang maligo kasabay ang lalaki.
“Huwag ka nang mag-inarte, alam kong kating-kati ka na,” na tila sinusukat ang temper ng babae sa may pagka-malisyoso niyang tinuran.
“Hoy! Huwag mong ipahid sa akin ang pangangati mo!” Kumunot ang noo ng babae. “Takot ka lang na matakasan kita.”
“Ayaw mo, ‘di kita pipilitin. Manood ka na lang.” Itinali siya nito pahiga sa isang rocking chair paharap sa may batis. “Tawagin mo ako kung gusto mo nang magpapresko.”
“Hindi mo ako kailangang itali ng ganito. Hindi naman ako tatakas. Wala ka pa bang tiwala sa akin?”
“Ang tiwala, ‘pag nasira, hindi na madaling maibabalik.”
Napatungo siya. Nasapol kasi siya sa tinuran ng lalaki. Wala siyang nagawa kundi ang tumahimik at sumimangot.
“Ang magandang mukha, kung nakasimangot, walang kuwenta.”
Lalo siyang sumimangot sa huling narinig. Tinawanan na lang siya ng lalaki. Habang naghahandang maligo ang lalaki ay nag-iisip ng paraan si Danica kung paano makalalaya. Hindi niya alam na nakatunghay sa kaniya si William. His mouth quirked in amusement. Naghanap siya sa paligid niya ng matalim na bagay para ipamputol ng telang ipinantali sa kaniya ng binata. Sinubukan niyang abutin ang tinidor malapit sa pinagkainan niya pero dahil nagkamali siya ng pagkilos ay napalayo pa ito at tinamaan ang katabing baso. Alertong nilapitan siya ng binata.
“Bakit? Tatakas ka?”
“Ano’ng tatakas, e, makati ang likod ko. Ipangkakamot ko ‘yan,” palusot ni Danica.
Iniharap ni William ang mukha ng dalaga at tinitigan siya sa mata habang nakahawak sa baba ng dalaga. “Gusto mong kamutin ko?”
“Kaya kong kamutin ang kati ko. Sarili mong kati ang asikasuhin mo,” at tumayo siya para makaiwas dito. His dominating charm disturbed her peace.
“Baka gusto mo lang naman.”
Tatarayan sana nito ang binata sa tinuran nito pero ipinakita nito sa kaniya na ipinangkakamot niya ang tinidor sa kaniyang likod at sumenyas pa ito kung gusto rin niyang magpakamot. Halos mabalian siya ng leeg sa ginawang pag-irap.
“Idiin mo ng konti,” aniya na tila nasasarapan sa ginagawang pagkamot ng binata sa likod niya, “…iyan,… ganiyan,…”
Naisip niyang sumakay sa ginawa ng binata at bakasakaling makakita siya ng pagkakataong makatakas dito.
Habang nagkakamot sa likod ng dalaga ay inaamuy-amoy din niya ang buhok nito, bagay na hindi nalingid kay Danica.
“Sige pa,… sarap!...”
Napalunok ng laway ang lalaki sa ginagawang panunukso ng dalaga. Pinipigilan niya ang sariling mahulog sa bitag nito. Alam niyang may binabalak ito.
“May an-an at buni ka na yata,e.”
“Ganu’n ba? Silipin mo nga, makati talaga, e!” She wanted to kill herself after saying it. Huli na para bawiina ng sinabi niya, hinawakan na ni William ang damit niya.
Alanganing tiningnan ni William ang likod ng babae. Tumambad sa kaniyang paningin ang makinis na kutis nito na namumula na ang bahaging kinakamot niya. Napadako ang kaniyang mga mata sa leeg nito. Hindi niya napigilan ang mapahinga ng malalim nang mapahanga siya sa kagandahan ng dalaga. Magkalapit ang katawan nila at naaamoy niya ang pawisang katawan nito. Bumangon ang init sa pagkalalaki ni William kaya bigla siyang humakbang palayo dito. Nasagi ng paa niya ang tali sa paa ni Danica. Payakap niyang sinalo ang babae kaya halos magkayakap silang nabuwal sa sahig.
“Manyak!” Pinagbabayo niya ng suntok ito.
“Manyak? Ako? ‘tong guwapo kong ‘to? Kinakamot ko lang ang pangangati mo, manyak na ako?”
Sinikap niyang makawala sa posisyon nilang dalawa. “Hoy! Akala mo ba ‘di ko alam na para kang asong ulol na inaamuy-amoy ako? Kulang na lang lawayan mo ako!”
“Asong ulol pala, ha!” Kinalas ni William sa pagkakatali ang mga paa ni Danica sa pamamagitan ng mga kamay at kinarga ang dalaga at itinapon sa ilog malapit sa batis.
“Help!” Nagkakakawag si Danica sa tubig, halatang nahihirapang lumangoy.
Dahil tumalikod agad sa kaniya si William kaya hindi nito napansin ang pagkakakawag ng babae.
“Tulong!” Tuluyan na siyang hindi nakapag-float.
Papailalim na sa tubig ang katawan niya nang sinagip siya ng binata. Tiningnan nito kung okey pa siya. Nang umubo siya ay nakahinga ito ng maluwag. Dinala siya nito sa gilid ng batis. Nagtitigan ang dalawa habang sumisinghap pa sa paghabol ng hininga si Danica hanggang sa huminto na ito sa pagsinghap. Gustung-gusto niya itong kabigin at parusahan ng halik, as if the devil was pursuing him. Ipinilig niya ang ulo. Ayaw niyang mawala sa focus.
Gandang-ganda si William sa babae. Makinis ang kutis nito at tama lang ang hugis ng ilong para sa isang pinay. Sa kabila ng palaban nitong imahe ay may nababanaag siyang kainosentihan dito. Gusto niya itong yakapin at sabihing ipagtatanggol niya ang babae at sasamahan niya hanggang sa dulo. Pero kalaban niya ito. Alam niyang maaaring maging mitsa ito ng kapahamakan niya if he’ll let his guard down. Higit sa lahat, hindi niya naaarok ang gustong mangyari ng babae. Pero alam niya, nararamdaman niya ang sexual tension sa kanilang dalawa. Kaysarap nitong siilin ng halik.
Napapikit si Danica. Hindi niya kayang makipagtitigan sa lalaki sa ganitong halos magkalapat ang kanilang katawan. His eyes had an alarming effect on her. Ayaw na muna niyang mag-isip.
Tila nagising si Danica sa isang ilusyon nang iniwan siya ng lalaki at lumangoy ito palayo. Wala siyang nagawa kundi ang panoorin ito. Humanga siya sa abs ng lalaki. Hindi lang ito ma-abs, maganda ang hugis ng katawan nito. ‘Yung tipong iisipin mong safe na safe kapag nasa loob ka ng mga bisig niya at niyayakap niya. Nag-enjoy siya sa panonood sa lalaki na sumisisid at pumapaibabaw at sumisinghap-singhap. Para itong prinsipe ng batis at siya ang prinsesa na nasisiyahan sa panonood dito. Napakagat-labi ang dalaga sa imagination niya, hindi niya tuloy napansin na nakatayo na malapit sa kaniya ang lalaki.
“Wala sa usapan natin na pagpistahan ako ng mga mata mo. Maligo ka para ‘wag ka nang mangati.”
Hindi malaman ni Danica kung ano ang ibabatong pagtataray dito. Wala siyang nagawa nang ipinatong nito ang mga bisig niya sa mga balikat nito, pasalikop dahil nakatali pa rin ang mga kamay niya. Dinala siya nito sa malalim na bahagi ng batis at isinama sa pagbaba-taas nito sa tubig. Dahil hindi niya matagalan ang posisyon nilang dalawa ay bumitaw si Danica sa lalaki at lumayo dito. Hinayaan siya ni William. Hindi nagtagal ay nahirapan siya sa paglangoy. Nasa malalim na bahagi pa naman siya. Nagkakakawag na siya.
“Happosai!” Tila walang narinig si William na nakaupo sa gilid ng batis at nag-iisip. Hindi ito nakatingin sa kaniya.
“Help!... Sir!...William!”
Papaimbulog na siya sa ilalim nang naabot ni William ang kamay niya. Agad siyang dinala nito sa gilid ng batis. Umubo si Danica.
“Okey ka na?”
Tumango ang dalaga. Nagtitigan sila. Pangalawang beses na itong nangyari sa kanila. This time, nanaig ang atraksyon nila sa isa’t isa. Siniil niya ng halik sa labi ang babae at tinugon naman ito ng dalaga. Malambot ang mga labi nito. Mabango ang hininga ng babae. Parang ayaw na nilang matapos ang halikang iyon, ikinawit pa ng babae ang kaniyang kamay sa batok ni William. Kapuwa sila napasinghap nang maghiwalay ang mga labi. Inihiga niya sa sahig si Danica. Titig na titig si William sa babae. Gusto niyang may mangyari sa kanilang higit pa sa halik. Nakakahalina ang naghihintay nitong mga labi at ang wet look nito na parang diyosa ng kagandahan.
Kinalas niya sa pagkakatali ang mga kamay ng babae. “Malaya kang kumilos dito nang ayon sa gusto mo pero hindi ka puwedeng lumayo.”
Tinanggihan ba siya ng lalaki? Napatingin siya sa sarili. Hindi ba naa-attract sa kaniya ang lalaki? Naging assuming lang ba siya na may mutual attraction sila?
Napakagat siya ng labi nang ma-realize niyang parang inihain na niya ang sarili niya sa lalaki. Pero hindi naman niya ito inakit talaga. Wala naman siyang ginawa.’Yun nga, wala siyang ginawa. Hinayaan niya ito, naghintay siya, at umasa.
Walang imik na tinanggap niya ang tuwalyang ibinigay ng lalaki. Nagpatuloy siya ng pagligo sa banyo. Sa loob ng banyo ay napapatulala pa rin siya. Nangungulit sa isipan niya ang alaala ng sensasyon ng naging pagkakadikit ng kanilang mga katawan, ang matipunong mga bisig nito na kahit matigas ay masarap sa pakiramdam ang pagsalikop nito sa kaniyang katawan. Hunk na hunk ang lalaki at masisisi ba niya ang sarili kung nawala siya pansumandali sa tamang linya ng dapat niyang gawin?
Sa labas naman ng banyo ay nakatayo ang lalaki, matamang nag-iisip. Nang hindi pa rin mapakali ay nagpalakad-lakad siya doon, nagtatalo ang isipan. Makakalimutan ba niya ang sarap ng naging halikan nila ng dalaga? Pero malaki ang nakasalalay sa misyon niya at hindi puwedeng dito siya masisira. Halos paumpog na idiniin niya ang ulo sa dingding, siya namang paglabas ng banyo ng dalaga. Nagkunwari itong hindi siya nito napansin.
“Kaaway, saan ang kuwarto ko?”
“Iisa lang ang kuwarto dito.”
“E, ‘di ‘yun ang kuwarto ko.” Tinungo niya ang kuwarto at nakita niya na may nakahandang malaking t-shirt sa kama at puting panty. “May panty pa. Mahilig talaga sa babae ang Happosai na ‘yun!”
“Tawagin mo pa ako uling Happosai at hindi na talaga ako mag-iisip, bahala na!” Nasa may pinto na pala ang lalaki at narinig siya nito.
May bumangong magkahalong kaba at excitement sa narinig, pinagsarhan niya ito ng pinto upang itago ang nararamdaman. Ayaw na niyang maging mahina uli sa harap nito. May misyon siya at dapat niyang patunayan na kaya niya ang pinasukang trabaho.
Chapter 4:
NANG gumabi ay mag-isang nakahiga si Danica sa kama. Naiwang nakabukas ang pintuan ng kuwarto, ayaw ni William na mag lock siya ng pinto. Bantay-sarado siya nito kahit na pinili nitong sa sala matulog. Maliit lang ang bahay kaya alam niyang maririnig siya nito kapag gumawa siya ng kaluskos.
Nang pakiramdam niya’y tulog na si William ay sinubukan niyang tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana. Hindi niya napansin na may nakaharang na kahoy sa labas ng bintana at natumba itong nang binuksan niya ang bintana. Alam niyang mabibisto siya kaya siya nagdududuwal.
“Bakit, napa’no ka?” Agad na nakalapit sa pinto ang binata.
“Wala,” sabi niya habang pinapahiran ng tela ang bibig. “Kinabagan yata ako.”
Isinara ni William ang bintana. “Lalo kang kakabagan kung nakabukas ito. At para malaman mo, may mga nakakalat na bubog sa ibaba.”
Hindi umimik si Danica, sinadyang ililis ang suot na pantulog upang mahantad ang legs niya.
“Magkumot ka para ‘di ka kabagan.” Lumabas na ito ng kuwarto, kasunod ang naiinis na tingin ng babae.
Ayaw naman niyang akitin ang lalaki, minsan lang talaga ay nakakakilos siya ng hindi pinag-iisipan kapag kaharap niya ito. Kailangan niyang makabuo ng plano upang makatakas sa lalaki. Kinabukasan at pangarap niya ang nakataya sa misyon niyang ito. Ito ang buhay na pinasok niya mula nang maulila siya.
Naramdaman ng dalawa ang malamig na samyo ng hanging nagmumula sa bintana ng sala na hindi isinara ni William. Sa labas ay isinasayaw ng hangin ang mga puno. Tila hinehele ng yumayakap na lamig ng panahon, iginupo ng antok ang binata.
Si Danica naman ay matamang nag-iisip kung paano siya makababalik sa grupo ni Redentor. Naalala niya ang gabing iyon, nang isinayaw siya ni William sa una nilang pagkikita.
Habang naglalakbay ang palad ni William sa kaniyang likod nang nasa gitna sila ng sensual nilang sayaw, nakita niya sa isang sulok ng mata niya ang nagngingitngit na mga mata ni Redentor. Sa isang sulok naman ay nandoon ang kanang kamay nitong si Marlon, nakatingin din sa kaniya, halata ang pagkadisgusto nito sa kaniyang kasayaw.
Hindi nagtagal ay lumapit sa kanila si Redentor para siya naman ang maging kasayaw ng babae. Pinagbigyan naman ito ni William. Sumenyas sa musician si Redentor at napalitan ng salsa ang tunog.Hindi kinabahan si Danica sa sayaw dahil marunong naman siyang mag-salsa, kumabog ng malakas ang dibdib niya dahil sa nanunuot na mga titig ng kasayaw.Nanunumbat ang mga mata nito. Gusto niyang magpaliwanag sa lalaki pero sinimulan na nito ang pagwasiwas sa katawan niya sa hangin. Payakap siya nitong sinasalo at tila ipinampupunas sa kaniyang likuran ang palad nito. Tila gustong burahin sa katawan niya ang pagdantay ng mga kamay ni William sa kaniyang balat.Pinaikot-ikot siya ng lalaki na parang trumpo at hinapit. Nagkunwari siyang nawalan ng balance para makatakas sa sitwasyong iyon. Mabilis naming sumaklolo sa kaniya si Marlon. Inakay siya nito at iniupo at tiningnan kung napaano ang kaniyang paa. Hinilut-hilot pa nito ang itinuro niyang paa na kunwari ay masakit.
“Wala kang alam diyan, dalhin na lang siya sa clinic,” nakasimangot na utos ni Redentor kay Marlon.
“Hindi na, kaya ko ‘to, may ka-deal na tayo,” si William ang tinutukoy ng babae. Nakita niyang umiinom ng alak sa bar ang target nila.
“Ako na lang makikipag-deal sa kaniya. Umuwi ka na.”
“Hindi puwede. Baka magduda siya.”
“Hindi mo siya kaya. Matinik ang lalaking iyon.” Sinenyasan nito ang isang tauhan niya para iuwi ang babae.
“Hindi, target ko siya! Ipinangako mo siya sa akin, misyon ko ‘to!”
NATULOY ang transaksyon nila ng gabing iyon. Pumasok sa isang hotel suite sina William at Danica. Kasama ni Danica sina Redentor at Marlon.
“Ang pagkakaalam ko’y isa lang ang kausap ko kanina. Sino ba kayo?”
“Kasama niya kami,” ani Redentor.
“Dapat pala’y nagsama din ako ng kagrupo,” nagpakita ng pagkadismaya si William at pumukol ng tingin sa kaseksihan ni Danica na kaharap niya. “Hindi pala ako sasaya ngayong gabi.”
“Hindi ka ba sasaya kung makikita mo ang mga dala namin?” Sinenyasan ni Danica si Marlon na ilapit sa kanila ang dala nilang traveling bag. Inilapag ito sa mesita.
“Bakit ganiyan lang? Ang usapan natin ay mahaba.”
“Hahaba din ‘yan, kailangan lang ng kamay.” Sinenyasan ng babae si Marlon na buksan nito ang bag. Tumambad sa kanila ang bagong armas na kulay pilak. Ikinabit-kabit ni Marlon ang parts nito at nang matapos ay napahanga silang lahat sa itsura ng armas.
“Maganda. Gusto ko iyan.” Binuksan naman ni William ang dala niyang bag at ipinakita kina Danica ang maraming perang laman nito.
Napangiti at nagtanguan sina Danica at Redentor. Nagpalitan sila ng dala. Binilang ni Redentor ang pera habang sinipat-sipat ni William ang armas.
“Ilang ganito ba ang kaya ninyo sa susunod?”
“Gusto mo pa ba ng marami? Saan mo naman gagamitin?” Pinagbawalan siya ni Redentor na mag-usisa ng ganoong bagay sa mga ka-deal nila pero hindi niya napigilan ang sariling tanungin ang lalaki. Nagdududa kasi siya sa binata.
“Akala ko palitan lang tayo, walang tanungan.” Isinilid niyo ang armas sa bag at tumayo para umalis.
“Kailangang makilala ka namin. Malaking transaksyon ang susunod, hindi barya-barya lang. Kailangang matiyak namin na hindi traydor ang kausap namin.” Hindi napigilan ng babae ang makaramdam ng pagkainis sa kausap.
“Malinaw sa usapan na walang mag-uusisa sa akin. Handa akong magbayad ng malaki huwag lang akong makaamoy ng tatraydor sa akin.” Matiim na tinitigan ni William sa mata ang babae. “Kung may duda kayo, walang deal.”
“Pasensiya ka na, bago pa kasi itong partner ko.” Nag-alala si Redentor sa biglang pagtayo ni William. “Wala kaming pakialam sa iba mong transaksyon. Ano, kalian mo ba gusto? Mabibigyan ka namin kahit beinte, sabihin mo lang.”
“Beinte?” Tumawa ng hilaw ang binata. Akala ko ba ang Silva Gang ang kausap ko, ‘yung kaya ang malakihang transaksyon. Peke yata kayo, e!” Humakbang na ito palabas ng pinto.
“Ako si Redentor Silva.”
Huminto sa paghakbang si William. Sinipat ng tingin si Redentor at ang mga kasama nito.
“Nag-iingat lang kami. Hindi ka pa kasi namin kilala. Ikaw, sino ka?” Inilahad nito ang palad kay William.
“William Sanchez, bagong salta dito sa Maynila. Sa Mindanao kami nag-umpisa.”
“Hayaan mo, mula ngayon, ako na ang direkta mong makakausap. Wala nang mag-uusisa sa ‘yo. Deal na lang tayo ng deal.”
“So, good na tayo?”
Tumango at tumawa si Redentor, na sinundan din ng pagtawa nina William at Marlon. Nakatitig lang si Danica kay William na tila naaasar. Napansin ito ni Redentor.
“Hayaan mo na. Natuloy naman ang deal. Good work,” bulong nito sa babae. Nginitian pa nito si Danica. Masaya si Redentor dahil sa napipintong malaking transaksiyon nila ni William.
SA ISANG lumang pier magaganap ang kanilang malaking transaksyon. Handan na ang Silva Gang. Nasa isang van na nakaparada sa loob ng building na iyon ang mahahabang armas na ipinangako nila kay William kapalit ng isang milyong piso at koneksyon sa Mindanao Group. Maliit lang ang isang milyon para sa mga armas na iyon pero higit na mahalaga kay Redentor ay ang matanggap sila ng Mindanao Group. Kilala lang kasi nila ito sa pangalan. Alam nilang konektado ito sa chinese triad na sikat sa international smuggling at sinasagasa ang mas maliliit na grupo na katulad ng sa kaniya.
Habang hinihintay nila si William ay nag-ring ang cellphone ni Redentor.
“O, may good news ka ba?” Bahagya siyang lumayo sa grupo. ‘Di nagtagal ay kumunot ang noo niya. “Bakit ngayon mo lang sinabi?!... Humihina na ba ang radar mo?!”
Tinapos ni Redentor ang pakikipag-usap sa phone at nagmura. “Itago ninyo ang mga ‘yan! Bilisan ninyo!”
“Bakit?” nag-aalalang tanong ni Danica.
“Lintek na William iyon, pulis pala!”
“Di ba pulis nga siya?” Alam kasi nila sa una pa na pulis si William. Target naman talaga nila ang mga pulis na mukhang pera para makakuha sila ng koneksiyon. Nabisto na kasi ng kapulisan ang dati nilang koneksiyon, si Sgt. Romulo, kaya naghahanap sila ng panibago.
“Pulis na nagpapanggap! Hindi pulis na kasapakat natin! Siguradong may mga kasama iyon pagdating kaya maghanda kayo!” Inutusan niya ang mga kasama na pumuwesto para tambangan si William.
Pupuwesto pa sana si Marlon nang sinenyasan sila ni Redentor na umalis. Iilang tauhan lang nila ang naiwan sa lugar na iyon para hulihin si William.
Pagkababa ni William sa kotse ay agad siyang tinutukan ng baril ng gang. Hindi na nakapalag ang binata. Itinali ang mga kamay niya at dinala kung saan nagtatago sa may ‘di kalayuan sina Redentor.
Hindi malaman ni Danica kung paano magri-react sa pangyayari. Hindi siya sigurado kung dapat siyang masiyahan o malungkot nang malaman ang tunay na hangarin ni William sa grupo nila. Inakala pa naman ng grupo, lalo na si Redentor na may makakasangga na silang malaking isda sa katauhan ni William, isang matikas na colonel sa hanay ng kapulisan. Malaking bagay sana ito sa gang kung ito ang kapalit ng dati nilang kasapakat.
Nakita ng dalaga ang galit sa mga mata ni Redentor ng makita si William. Kinabahan ang babae, siya pa naman ang nakipag-deal dito. Pinilit niyang ituloy ang pakikipag-deal sa binata sa kagustuhang bumango siya sa grupo, lalo na kay Redentor.
“Gago ka! Nagtiwala pa naman ako sa ‘yo!” Agad na binigwasan ni Redentor ng suntok sa mukha kasunod ay tadyak sa tiyan ang pulis.
Walang magawa si William kundi tanggapin ang mga pinakawalang suntok ni Redentor. Nakatali ang mga kamay niya at nakaumang sa kaniya ang mga baril ng grupo.
“Ano ba’ng pinagsasabi mo?”
“Magmaaang-maangan ka pa! May koneksyon ako sa inyo! Alam ko na ngayon na ako ang misyon mo! Gusto mo akong mamukhaan? Puwes, heto, pagmasdan mong mabuti ang mukha ng taong tatapos sa ‘yo!” Iniumang ni Redentor ang baril kay William.
Mabilis na umawat si Danica. “Teka, bakit? Paano?”
“Hindi pa ba malinaw? Niloko tayo ng lalaking ito!” Galit na hinarap niya ang babae, “Niloko ka ng ka-deal mo!” Iniwan niya ang babae.
“Bantayan ninyo ‘yan! Pag-iisipan ko kung paano tayo makakaganti sa kanila!” Agad na sumunod si Marlon sa paghakbang ni Redentor. Napansin ni Redentor ang pagtingin ng babae kay William na tila may panghihinayang.
“Papatayin ko ang sinumang magtatraydor sa akin!” At tuluyang umalis si Redentor kasama si Marlon at ilang tauhan. Bantulot na sumunod sa kanila si Danica.