Views

Chapters 1&2: Kiss My Gun

0

 





Chapter 1: 



Nagmamadali at iika-ikang sinikap ni William na makahanap ng kotseng gagana sa iilang lumang kotseng nakaparada sa lugar na iyon. May kalakihan ang lugar at mukha itong lumang talyer na ginawang tambakan ng mga sirang sasakyan. Nilingon ni William ang pinanggalingang lumang building at muling sumubok na makahanap ng magagamit na kotse. Sa wakas ay gumana ang isang lumang pulang kotse kahit na minaniobra lang niya ang wire nito dahil walang susi.


“Hmmh!” Sinikap ni Danica na makapag-ingay sa kabila ng kaniyang kalagayan.

Nagdalawang-isip si William na dalhin ang babaing nakatali ang mga kamay at paa at may busal sa bunganga. Bahagyang napangisi ang lalaki sa ipinukol sa kaniyang matalim na tingin ng babae. Palaban pa rin ang babae sa kabila ng sitwasyon nito.

“Alam ko, gusto mong sumama. Crush mo ako,e.” Binuhat niya ito at halos pabalibag na isinalampak nito si Danica sa kotse at agad nitong pinaharurot ang sasakyan.


Habang nagda-drive ay sinipat ni William ang babae. Napansin niya ang nakaumbok na cellphone sa bulsa nito.

“Excuse me, pahiram muna ng cellphone mo.”

Kinuha niya ang cellphone nito. Nawawala kasi ang cellphone niya. Nagpupumiglas ang babae kung kaya’t aksidenteng nahawakan ng lalaki ang maselang parte ng katawan nito na ikinagitla nilang pareho.

“You’re a mischievous woman. Iyan talaga ang forte mo, ‘no,” sinabi niya iyon upang itago na naapektuhan siya sa hindi sinasadyang pagkadakma niya sa pribadong parte ng katawan ng babae. Hindi lang kasi nakapa niya ang bahaging iyon, naamoy pa niya ang babae na kahit na pawisan ay amoy-babae pa rin. Aminado siya sa sarili na gusto niya ang amoy ni Danica.

Waring napahiya si Danica sa narinig sa lalaki pero nakabawi din ito at nagpupumilit na makapagsalita nang makitang magda-dial ng numero ang lalaki.

“Tahimik!”

Lalong nagpapapalag si Danica at ipinilig-pilig pa ang ulo nito. Nairita sa ginawi ng babae at curious din siya sa sasabihin nito, tinanggalan niya ito ng busal.

“Pagsisisihan mo ng malaki kung ikukulong mo ako!”

Amused sa tinuran ng babae na with conviction pa, parang batang tinuksu-tukso niya itong magda-dial o hindi. Huli na nang mapansin niyang may makakasabay silang kotse. Atomatikong hinatak niya ang babae at pinayuko upang hindi mapansin ng driver sa kabila na nakatali ang mga kamay ng babae at upang hindi ito maglakas ng loob na sumigaw dahil halos nakasabunot siya sa buhok nito.

“Sa daan ka tumingin,” aniya sa driver na nakatingin sa kaniya.

Sumimangot ang lalaking driver sa kabilang kotse habang nakatingin sa kanila, saka napansin ni William na nasa lap niya ang ulo ni Danica. Dahil sa naging reaksiyon ng lalaki sa kabilang kotse ay gumana ang kapilyuhan ni William.

“A-aahh!” Nagkunwari siyang nasasarapan sa kung anong ginagawa ng babae na lalong ikinasimangot ng lalaki sa kabila.

Lumiko ito kaya pinakawalan na niya ang ulo ng babae nguni’t may nakalapit naman sa kanilang lalaking nakamotorsiklo na may kaangkas na babae kaya ibinalik niya ang ulo ng babae at humalinghing pa siya.

“O-oohhh!”

Nagtinginan ang magkaangkas at sinikap na makalayo sa kanila. Natutuwa sa ginawa kaya hindi agad napawi ang ngiti ng lalaki, bagay na ikinaasar ni Danica. Nagtataka man sa narinig na halinghing nito ay nahihinuha niyang may ginawa itong hindi maganda at her expense.

“Iyan ba ang forte mo? Di mo ba kayang kumuha ng babaing totoong magkakagusto sa iyo at pagbibigyan ang kabaliwan mo?”

Hindi nakaimik si William sa tinuran ng babae. Nasapol kasi siya, kung bakit kasi umandar ang kapilyuhan niya.

Hindi inasahan ng babae na may kapilyuhan ito samantalang ang unang tingin niya dito ay parang si James Bond kung kumilos. Naalala pa niyang in-imagine niya kahit sandal na siya ang leading lady nito. Natatawa siya but she opted to frown at him.

Nagulat na lang sila nang pinaulanan na sila ng bala ng dalawang magkasunod na sasakyang humaharurot sa kanilang likuran. Pinangungunahan ni Redentor Silva ang pamamaril sa dalawa.

“Redentor!” Tila hindi narinig ni Redentor ang pagtawag sa kaniya ng babae.

“Redentor, nandito ako!”

Natakot ang babae nang tinitigan siya ng galit na galit na lalaki at iniumang sa kaniya ang baril nito. Hindi magkamayaw ang dalawa sa pag-iwas sa mga bala. Tila walang pakialam si Redentor kung sino ang madamay kung kaya’t tinamaan din ng mga bala ang pasalubong sa kanilang sasakyan at umekis-ekis ito hanggang sa mabangga sa sa isang puno. Kamuntik na ring tinamaan ng bala ang iba pang sasakyang nadadaanan ng naghahabulang sasakyan. Walang nagawa si William kundi ang galingan niya ang pagmamaneho at pag-ilag upang makaligtas sa grupo ni Redentor. Tinamaan din ang kotseng sinasakyan nila, mabuti na lang at hindi sila tinamaan.

“A-ahh!” Takot na takot na si Danica dahil wala siyang magawa lalo’t nakatali pa rin ang mga kamay at paa niya.

Nakakita si William ng pagkakataong makatakas nang may paparating na tren, Nilakasan niya ang loob at lalong pinaharurot ang kotse na siyang ipinanlaki ng mga mata ng babae. Suwerteng nalagpasan nila ang riles ng tren bago ito dumating na siyang naging panandaliang harang sa kanila mula sa mga tumutugis na grupo.

Dahil sumuko na ang lumang kotseng ginamit nila na ngayo’y marami nang tama ng bala ay iniwan na lamang ito ng dalawa. Halos pakaladkad niyang isinama ang babae na nahihirapan sa kaniyang sitwasyon. Suwerteng nakakita ng motorsiklo si William na kakaparada lang ng may-ari sa harap ng isang shop.

Ilang sandali pa ay sakay na ng motorsiklo ang dalawa. Dahil nakatali pa rin ang kamay at paa ng babae, ipinuwesto niya ito sa harapan niya, paharap sa kaniya. Hindi tuloy mapigilan ng mga taong nakakakita sa kanila ang sundan sila ng tingin.

Napansin ni William ang impit na pag-iyak ng babae. Umiwas ito ng tingin sa kaniya.Minabuti niyang itabi muna ang sasakyan at bumaba sila dito. Nang hindi pa rin tumitingin sa kaniya ang babae ay naawa naman siya at naghanap ng gamit sa U-box at tinanggal ang pagkakatali ng mga paa nito.

“Pasensiya na.”

Nanatiling tahimik ang babae. Pinatigas nito ang mukha. Ayaw niyang matahin siya ng lalaki dahil sa emosyon niya.

“Hindi pa kita puwedeng pakawalan. Nakita mo naman, muntik ka na ring mahagip ng bala. Muntik na tayong mamatay du’n, ah!”

Hindi pa rin umiimik ang babae. Ayaw niyang tingnan ang lalaki.

“Siguro naman ay naiintindihan mo kung bakit hindi kita puwedeng pakawalan. Alam ko, natatakot kang mamatay. ‘Wag kang mag-alala, hahanap ako ng paraan para maging star witness kita. Alam ko, may dahilan ka kung bakit napasama ka sa grupo ng Silva Gang.”

Nakakita ng chance si Danica na makaalpas sa lalaki. Nagpaawa siya dito. Mukha namang tumalab ito at pakakawalan na sana siya nito nang may sumagi sa isipan ni William. May kinumpirma ang lalaki sa cellphone ni Danica.

“May tracker ito!” Ikinagulat naman ni Danica sa narinig. Hindi niya kasi napansin na nilagyan ng tracker ang cellphone niya.

Agad na sumakay ng motorsiklo ang dalawa at itinapon ni William ang cellphone pero huli na dahil nakasunod na sa kanila ang mga naka motorsiklong mga kagrupo ni Danica. Nagsimula ang panibagong habulan at pag-ulan ng bala sa lansangan. Mabuti na lang at nakarating sila sa highway at doon nagiging taguan nina William ang mga nakakasalubong nilang trucks at bus sa mga humahabol sa kanila.

Waring determinado ang gang na pinamumunuan ni Redentor Silva na patayin silang dalawa dahil tila wala silang pakialam kung tamaan ng bala si Danica na nakaangkas kay William.

“Aba! Dedo ka na, miss! Binabaril ka na nila, o!”

Nag-isip sila ng paraan na tuluyang makaalpas sa nasabing sitwasyon. Biglang lumiko sa isang kalye sina William at inabangan doon ang mga humahabol na grupo. Binangga nila ang nauna at ang pangalawa na siyang dahilan ng banggaan ng iba. Agad na kinuha ni Danica ang tumilapong baril ng isang nasagasaan at agad silang humarurot. Sumunod naman sa kanila ang iba at sumunod rin ang mga nakabangon na mula sa pagkakabangga.

“Asintahin mong mabuti ‘yang mga palalabs mo dahil itutumba talaga tayo ng mga iyan!”

Naasar man sa sinabing ‘palalabs’ na para bang mahal na mahal niya ang mga tumutugis sa kanila ay naunawaan naman ni Danica na dapat niyang maunahan ang mga nakahabol dahil tiyak na papatayin sila ng mga ito.

Tumimbuwang ang unang tinamaan ni Danica at nakatulong sa kanila ang pag-ekis-ekis ng motorsiklo nito bago tuluyang matumba dahil napigilan nito ang ilang nakasunod na sasakyan kung kaya’t bahagya silang nakalayo. Nang makita niyang nakabuntot na sa kanila ang dalawa ay sinalubong niya ang mga ito ng bala. Napakinabangan niya ang pagiging sharp shooter, bagay na siya ring dahilan kung bakit siya napunta sa ganitong sitwasyon.

Iniwan nila ang motorsiklo sa labas ng isang commercial building at naghanap ng mapagtataguan. Hinanap sila ng gang sa loob at labas ng building nguni’t natakasan nila ang mga ito.

“Tandaan mo ang araw na ito,” bulong ni William sa babae habang nakatingin sila sa mga taong naghahanap sa kanila. “Wala ni isa man sa mga kasama mo ang gustong tirhan ka ng buhay!” Halos pakaladkad na isinama nito si Danica.


Chapter 2: 




AYAW dalawin ng antok si Danica sa loob ng isang mumurahing motel. Naliligo naman sa banyo si William. Naaalala niya ang unang araw ng pagkikita nila ni William sa isang club.

Nakapulang sexy dress siya, daring na daring ang dating, kailangan daw kasing ganu’n ang outfit niya para mapansin ng target nila.

Kinakabahan siya kaya napasunud-sunod ang paglagok niya ng alak na nasa kopita.

“Huwag kang kabahan, kailangang hindi ka mahalata,” ani Redentor sa kaniya. Hinalikan pa nito ang buhok niya. “Kaya mo iyan, dear.”

Sumenyas kay Redentor ang isa nilang kasamahan.

“Six o’clock,” bulong nito at lumayo na siya sa babae.

Lumingon si Danica sa tinutukoy ni Redentor. Hindi niya alam kung namutla siya o nanlamig ng sandaling iyon nang makitang papalapit sa kaniya ang isang pamilyar na mukha. Hindi niya makakalimutan ang mukhang iyon, at ang pigura nito. Ito ang para sa kaniya ay ang James Bond ng Pilipinas. Ang kaguwapuhan at ang finesse nito na lalong gumuwapo sa suot nitong pink polo shirt at blue cap ay ang dahilan ng paglunok niya ng laway. Ayaw niyang mahalata ni Redentor na nahahalina siya sa kaniyang target. Ayaw niyang mawalan ito ng tiwala sa kaniya.

“Sassy, sassy me,” kaakit-akit ang boses niya, bagama’t alam niyang kahit na hindi niya ito akitin ay didikit pa rin ito sa kaniya. Iyon kasi ang password nila ng dati nilang ka-deal, si Mr. Ochoa.

“Sassy, sassy you,” pabulong nitong sagot, na ikinalunok niya uli ng laway. Lumakas ang pagkabog ng dibdib ni Danica, hindi lang dahil alam niiyang pinagmamasdan sila nina Redentor, o dahil ayaw niyang mahalata siya ng kausap, kundi dahil sa dating sa kaniya ng presensiya nito. She should keep herself together. Misyon niya ito, naisip niya.

Kagat-labi, minabuti niyang i-persuade ito sa kanilang deal as soon as she can. “Puwede mo bang sabihin kung gaano kahaba?”

Napangiti ang bartender na nakarinig sa tinuran niya. Inakala nito na pini-flirt lang niya si William.

“Pinakamahabang kaya mo,” was his flirtatious answer. “At pinakamatindi. ‘Yung tuloy-tuloy, walang pahinga.”

Curious na nagpatuloy sa pakikinig sa kanila ang bartender, nakangiting nag-i-imagine.

Napansin ni William na medyo naapektuhan si Danica ng palitan nila ng salita, hinapit niya ito sa beywang nang tumayo ang babae. “Gusto ko’y maraming-maraming rounds,” at tinitigan niya ito ng nanunuot sa kaibuturan ng pagkababae ni Danica.

“G-good. Let’s go,” iniwasan niya ang titig ni William at inilayo niya ang katawan dito. Niyaya niya ang lalaki palabas ng club nguni’t sumenyas ang lalaki sa musician. Pumailanlang ang isang romantic music.

Nagulat man siya sa muling paghapit nito sa bewang niya ay minabuti niyang sakyan na lang ang trip nito. Ayaw niyang masira ang deal.

“You look so lovely and hot. This night will be a waste kung hindi man lang kita makakasayaw.”

Alam niya na habang nagsasayaw sila ay inaakit siya ng lalaki. Halatang magaling itong humawak ng babae. Bawat dantay ng palad nito sa bahagi ng katawan niya ay may nililikhang init.

“Are you enjoying?” bulong nito.

Hindi niya alam kung maiinsulto siya at magtataray sa tinuran nito. Normally ay malamang na ganu’n ang iisipin niya at magiging reaksiyon. Pero may misyon siya. It did not take a while nang ma-realize niyang totoo namang nag-i-enjoy siya sa sayaw nila. Nang hinagod siya ng tingin nito ay naramdaman niyang para siyang dumaan sa kung anong x-ray. Nang inilapit nito ang mukha sa mukha niya ay nalanghap niya ang mabangong amoy nito na parang after shave lang at nag blend lang sa natural nitong amoy.

Sa sulok ng mata niya ay nakita niya ang impatient na mukha ni Redentor. Hindi naman niya magawang huminto sa pagsasayaw. Ang tamang salita, ayaw niyang mahinto ang sandaling kasayaw niya ang lalaking hinahangaan niya sa loob ng dalawang taon. Wala pa man siya sa Silva gang ay nakita na niya sa malayuan si William, at mula noon ay hinangaan na niya ito.

“You look familiar to me,” hindi iyon inasahan ni Danica na marinig sa lalaki.

“Naglipana siguro sa paligid mo ang magaganda,” sinikap niyang makatitig dito.

“Sabagay,” he chuckled. Tinitigan siya nitong muli at hinapit. Gumala ang kamay nito sa likod niya. Masarap sa pakiramdam ang paghagod na iyon, may kaunting kilabot dulot ng init na dala nito. First time niyang maramdaman ang ganoong sensasyon.


NASA ganoong pagbabalik-tanaw si Danica nang lumabas ng banyo si William.

“Akala ko, tulog ka na.”

“Hindi ako makatulog.” Waring pagod na umupo ang babae.

“Oo nga. Mukhang nagdi-daydreaming ka,eh,” pilyong sabi nito. “Ini-imagine mo ba ang gagawin natin ngayon?”

Pagalit na binalibag nito ng unan ang lalaki at tumungo sa banyo.

“Ayan, maligo ka, at mapapalaban tayo mamaya!”

“In your dreams!” Nilakasan nito ang pagsara ng pinto at pag-lock nito. Dinig niya ang pagtawa ng lalaki.

Kagat-labi, sinimulan ni Danica ang pagligo. Aminado siya sa sariling apektado siya ng presensiya ng lalaki. Sa kabila ng dinanas niya mula nang nagsimula ang deal nila ay hindi niya pa rin magawang magalit ng tuluyan dito.

Tapos na siyang maligo. Nagdadalawang-isip siyang lumabas ng banyo. Natatakot siya na baka bumigay siya sa lalaking naging dahilan ng kinasusuungan niyang gulo ngayon. Alam niyang may kinikimkim itong galit sa kaniya. Hindi kaya sa kaniya ibuhos ang galit nito? Baka gamitin siya nito bilang stress reliever. Alam niyang hindi siya siseryusohin ng lalaki, she’d have to be out of her mind to even consider it.

Matagal din bago siya nagkalakas ng loob na lumabas ng banyo. Dahan-dahan niya itong binuksan at sinilip si William. Nakahinga siya ng maluwag nang makitang nakadapa ito at humahagok. Humiga siya sa dulo ng kama at tumalikod sa lalaki.

Dumilat ang isang mata ni William at nangiti nang nakitang nakahiga na ang babae. Pumikit ito uli at nagpatuloy sa paghagok. Tila tulog na tulog na tinandayan niya ito. Hindi naman kumikilos si Danica, ayaw niyang magising ang lalaki. Ayaw niya naman talagang matulog. Humiga lang siya para makapagpahinga. Kailangan niya ng lakas. Alam niyang sa malao’t madali ay matutunton din sila nina Redentor. Pinigilan pa naman niya si William na tumawag sa hepe nito. Ayaw niya kasing mabigo. Gusto niya pa ring ituloy ang misyon niya.


Hindi nagtagal ay nakatulog na rin si Danica. Unang nagising si William. Pinagmasdan nito ang kagandahan ng babae. Natutukso siyang galawin ito. She let her guard down at ayaw niyang pagsamantalahan ito. Lumayo na lang siya dito.

Gising na pala si Danica at somehow ay may idea siya sa pangyayari. Naitago niya ang pagkagulat nang ma-realize na nakatulog pala siya. Nagkunwari siyang walang alam. Nag-inat siya.

“Good morning,” bati ng lalaking naka- poker face. Sa totoo lang ay gandang-ganda siya sa ‘just woke up’ look nito.

“Nakatulog pala ako,” ewan ba niya kung bakit atomatiko siyang nakakapagpa-cute at pa-sexy sa harap ng lalaking ito kahit na kumakabog ang dibdib niya dahil sa lihim na paghanga niya dito.

“Kailangan na nating umalis. Kailangan nating makalayo.” Seryoso ang lalaki kaya nagmadali na siyang nagbihis. May hinahanap siyang gamit.

“Ito ba?” Ipinakita ng lalaki ang hawak nitong black panty ng dalaga. “Ipapaamoy ko ito sa mga aso para ‘pag tumakas ka, matatagpuan pa rin kita. Mag-uunahan na lang kami sa paglapa sa ‘yo.

Napalunok ng laway si Danica sa narinig pero minabuti niyang magtaray. “Akina ‘yan, Happosai!”

“Happosai, huh! Hindi ko kailangang mangoleksyon ng panty para lumigaya!” Halatang hindi inasahan ni Danica na alam niya ang sinasabi nito. “Hindi lang ikaw ang nanonood ng anime, inday. Isuot mo na ‘yang pantalon mo, Ranma!” Tumalikod na ito palabas ng pinto.

Binato niya ng unan ang lalaki. “Hindi ako Ranma! Babae ako! Akina ‘yang panty ko!”

Napatingin sa kanila ang couple na dumaan sa may pintuan nila.

“Nagagalit, ‘pinagpipilitang babae siya,” may kapilyuhang sabi ni William sa mga dumaan na lalong ikinaasar ni Danica.

Dinaluhong nito at kinubabawan sa likod ang lalaki. “Graahh! Akina ‘yan! Akina ‘yan! Pervert!”

Nawala sa balance ang dalawa na magkalapat ang mga katawan. Saka nila naalalang walang panty ang babae.

“Hala!”

Nag-blush sa pagkapahiya si Danica. “Akina ‘yan!” Hinayaan na lang siya ng lalaki na medyo na-shock sa kaniyang nararamdaman.

“Bilisan mo.” Pormal na naghintay siya sa labas ng pinto habang nagpapatuloy sa pagbibihis ang babae.


Nag-commute muna sila. Pumara sila ng bus. Nguni’t nang walang makapa sa bulsa na pamasahe ay bumaba sila. Mahaba-haba rin ang nilakad nila. Hawak ni William ang kamay niya, baka raw kasi tumakas siya.

“Hindi ako tatakas. Hindi ko nga alam kung ano ang gagawin ko,” aniya sa lalaki.

“Mabuti na ang nakasisiguro.”

Nakisakay sila sa isang pribadong pick-up type na sasakyan. Nagpakilala silang mag-asawa. Hindi na siya pumalag nang inakbayan siya ng lalaki.

“Paano, sa likod na lang kayo, hindi ko na kayo maisisiksik sa mga bata,” ang sabi ng driver na ang tinutukoy nito ay ang tatlong anak nilang natutulog sa likuran nila. Nakangiti naman sa dalawa ang asawa nitong nakaupo sa passenger seat. “Huwag kayong mag-alala, mabait ‘yang mga nandiyan.

Katabi ng dalawa ang iilang manok na naroon na pawang maiingay. Puno pa ng dumi ang kulungan ng mga ito. Tiniis ng dalawa ang sitwasyon. Totoo sa loob ni Danica nang sinabi niyang hindi pa niya alam ang kaniyang gagawin. Wala pa kasi siyang nabubuong plano. Pero hindi totoo na hindi niya ito tatakasan. Hindi pa lang siya sigurado kung paano kukumbinsihin si Redentor na maniwala ito sa kaniya. Kailangan niyang makabalik sa Silva Gang. Kung kailangang dalhin niya ang lalaking ito ay gagawin niya para muli siyang tanggapin ni Redentor.

“Alam ko ang binabalak mo.”

Nagulat man sa narinig ay agad na bumawi ang babae. “Manghuhula ka pala, e di ikaw na!” Lalo siyang nagpakita ng pagkaasar nang may kapilyuhan itong tumitig sa kaniya.

“Breast,…” Nailang si Danica sa binulung-bulong ng lalaki. “…malaman na hita,” sabay gawi ng tingin nito sa hita niya. Agad na umigpaw ang kamay ng babae at ininda ni William ang isang malakas na sampal.

“Manyak! Kung nagugutom ka, ‘wag ako ang pagpistahan mo! May manok diyan!”

Makokonsensiya sana si Danica dahil parang tinuruan niyang magnakaw ang lalaki nang mahagip ng mga mata niya ang manok na hawak ng isang kamay nito, nakatali ang mga tuka. Tumahimik na lang ang babae. Pareho silang nagugutom at pareho silang walang pambili. May tinatakasan silang gang na desididong pumatay sa kanila. She was hoping na mapatawad sila ng may-ari ng manok.


NANG makababa ng sasakyan ay nagpasalamat sila sa mag-asawa. Kumaway sila habang papalayo sa kanila ang sasakyan. Muli silang naglakad. Ilang minute rin ang nilakad nila nang mapansin ni Danica na pinagmasdang mabuti ni William ang itsura ng kinaroroonan nilang lugar. Ngumiti ito at lumapit sa may malaking puting bato. Hinawi ni William ang nakatambak na putol na kahoy sa tabi ng puting bato at tumambad sa kanila ang isang daanan na kakasya ang isang 4-wheels.

“Bilisan mo!”

Nang makapasok sila sa nakatagong daanan ay ibinalik ni William ang mga nakahambalang na putol na puno sa dati nitong kinalalagyan. Naglakad na naman ang dalawa. Ramdam na ni Danica ang pagod at gutom lalo nang tumunog ang kaniyang tiyan.

“Bilisan na natin. Gutom na rin ako.” Hinawakan ng lalaki ang kaniyang kamay at halos patakbo ang naging paglalakad nila.

Nagpatianod na lang ang babae sa gusto ni William. Wala siyang lakas para kumontra dito. Ilang sandali pa’y naramdaman niya ang malamig at nakaiigayang samyo ng hangin. Tanaw nila ang isang batis sa may ‘di kalayuan.

“Malapit na tayo.”

Natanaw na rin ni Danica ang isang bahay malapit sa may batis. Tila nakakita ng paraisong lalong nagmadali ang dalaga, nagpatiuna pa siya sa lalaki. Wide-eyed with delight, talagang namangha ang babae sa ganda ng paligid nang makalapit siya sa may batis.

Namalayan ni Danica na nasa likuran na niya ang lalaki. Sumagi tuloy sa isipan niya na para silang sina Adan at Eba sa lugar na iyon, dalawang nilalang sa isang paraiso. Walang puwedeng humadlang sa kanila. Walang makaiistorbo. Kanila ang lugar na iyon na ang maririnig lang ay ang walang tigil na pag-agos ng tubig sa batis at ang mga huni ng ibon sa paligid. Tila nagising siya sa pananaginip nang lumakas ang pagtibok ng puso niya.


Post a Comment

0 Comments
Post a Comment (0)
To Top